Isang pamilya, hinuli ang mga bangus sa kanilang palaisdaan at ipinamigay sa mga ka-barangay; namigay din ng bigas

  • Isang pamilya ang namigay ng napakaraming bangus sa kanilang mga kabarangay sa Malolos City, Bulacan
  • Hindi lang ito, namigay din sila ng sak0-sakong bigas na ikinatuwa naman ng mga residente ng barangay
  • Patunay daw ang pamilya na tuloy ang bayanihan ng mga Pilipino ngayong extended pa rin ang ECQ

Dahil extended sa ilang lugar sa bansa ang umiiral na enhanced community quarantine (ECQ), patuloy na mangangailangan ng ayuda ang ilang pamilya na hindi pa rin makapagtatrabaho. Kahit mahigit isang buwang nang umiiral ang ECQ, hindi pa rin talaga nauubos ang mga Pilipino na may mabubuting kalooban.

Patunay nito ang isang pamilya sa Malolos City, Bulacan. May kaya ang nasabing pamilya at mayroong sariling palaisdaan. Ngunit imbes na ibenta ang kanilang alagang bangus, mas minabuti nilang ipamigay ang banye-banyerang isda sa kanilang mga ka-barangay.

Larawan mula kay Sherman Cervantes via Balitang Bulacan

Sa post ng Facebook page na Balitang Bulacan, makikita ang isang truck na naglalaman ng napakaraming isda mula sa JVR Consignacion at kanyang pamilya. Masaya ang mga taga-Panasahan, Malolos City dahil sa biyayang dumating sa kanila.

Pero hindi natatapos sa pamimigay ng bangus ang kabutihan ng pamilya. Sinamahan na rin nila ng sako-sakong bigas ang ibinigay na ayuda para sa mga residente. Bawat pamilya ay nakatanggap ng dalawang pirasong bangus at ilang kilong bigas.

“Umuulan ng bangus!!! Isang pamilya ang inani ang kanilang bangus at ipinamigay sa mga ka-barangay nito sa Panasahan, City of Malolos at sinamahan din ng bigas,” pahayag ng post ng Balitang Bulacan page.

Dahil maraming netizens ang natuwa sa kawanggawa na ito, dalawang oras pa lamang naka-upload ang mga larawan ay agad na itong nagkamit ng higit 2,000 reactions at 300 shares. Maraming pamilyang nabiyayaan din ang nagpasalamat sa comment section.

Larawan mula kay Sherman Cervantes via Balitang Bulacan

Masaya sila sa tulong na nakuha dahil may kamahalan din daw ito kung bibilhin sa palengke. Malaking tulong na raw ito sa ilang araw nilang pang-ulam at pagkain lalo pa’t dagdag 15 araw na naman ang lockdown sa lalawigan.

Sana raw ay magsilbing inspirasyon ang pamimigay ng pamilyang ito ng ayuda sa mga naghihikahos at huwag munang isipin ang negosyo. Ito na raw ang panahon upang maibalik sa mga consumer ang suportang ibinibigay sa mga tindahan at pamilihan.

Loading…