Isang pamilya nagsagawa ng “Station of the Cross” sa bakuran ng bahay

  • Hindi napigilan ang isang pamilya sa pagdaraos ng taunang tradisyon na “Station of the Cross”
  • Isinagawa nila ito sa bakuran ng kanilang bahay sa pamamagitan lamang ng mga nakaimprentang larawan, bilang pagsunod na rin sa ECQ
  • Ayon sa padre de pamilya, mahalagang maipamalas pa rin ang pananampalataya sa Diyos, sa kabila ng krisis

Isa sa mga nakanselang mga gawain kaugnay ng Semanta Santa ang “Station of the Cross” dahil na rin sa patuloy na pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa buong Luzon at iba pang mga lalawigan. Mahigpit na ipinagbabawal kasi ang pagdaraos ng mga malawakang pagtitipon, kahit ito pa ay mga gawaing panrelihiyon.

Subalit hindi mapipigilan ng COVID–19 ang isang pamilya matapos isagawa ang “Station of the Cross” sa bakuran nga lamang ng kanilang bahay, bilang pagsunod na rin sa enhanced community quarantine. Ibinahagi ito sa Facebook page na “Bayan Mo Ipatrol Mo” ng ABS–CBN.

Imahe mula sa Facebook page na Bayan Mo Ipatrol Mo/Dennis Lumahan

Ayon sa padre de pamilya na si Dennis Lumahan, isinagawa nila ang kinasayan at taunang tradisyon noong Abril 7, Martes. Nag-imprenta lamang ang kanyang mga anak ng mga larawang nagpapakita ng kalbaryo ni Hesukristo upang magsilbing mga estasyon sa pagdarasal.

Si Dennis at ang kaniyang mga anak na lalaki ay pawang mga lingkod sa simbahan. Aniya, mahalagang maipagpatuloy nila ang nakagawian dahil bukod sa mga sakristan sila ng kanyang mga anak na lalaki ay gusto pa rin nilang ipamalas ang pananampalataya sa Diyos, lalo na sa panahon ngayon ng krisis.

Umani naman ito ng magagandang komento mula sa mga netizens.

“Wow nakakainspire naman kayong pamilya! Sabi nga, ‘A family that prays together, stays (home) together’. Literally. Hehehe. Keep up the good work po!,” turan ng isa.

Sabi naman ng isa, “Sana all! Done din po, station of the cross sa bahay lang… no distractions… dito mo mapapatunayan na talagang malaki pa rin ang pananampalataya ng mga Pilipino. Walang virus–virus. Higit pa rin ang Diyos sa lahat, at walang pandemyang makakatalo rito.”

Imahe mula sa Facebook page na Bayan Mo Ipatrol Mo/Dennis Lumahan

Sabi nga, “Kung ayaw, maraming dahilan. Kung gusto, maraming paraan.”

Source :

Facebook

Loading…