It’s back! Klasikong manipis na noodles ng Lucky Me Pancit Canton, muli nang matitikman

  • Ibinabalik ng food brand na Lucky Me! ang klasikong manipis na noodles sa kanilang pancit canton
  • Matagal nang request ng kanilang mga parokyano ang ibalik ang manipis na noodles dahil mas masarap daw ito
  • Sa ngayon ay available lang ito sa kalamansi flavor at mabibili lamang sa Luzon

Isa sa mga pinakasikat na pagkain ngayon ay ang instant noodles. Madalas ito ang ipinamimigay ng mga local government units (LGUs) bilang relief goods sa kanilang mga nasasakupan. Siyempre, hindi mawawala ang sikat na sikat na Lucky Me! Pancit Canton.

Pero naging kontrobersyal ang nasabing noodle brand dahil sa naging desisyon ng Monde Nissin Philippines na palitan ang manipis at kulot na noodles ng pancit canton noong 2016. Marami ang hindi nagustuhan ang hitsura at lasa nito at nagkaroon pa nga ng ilang petition online na ibalik ang dating noodles.

Larawan mula sa Facebook pots ng Lucky Me!

Nag-remedyo naman ang Lucky Me! at ginawang mas malasa ang kanilang noodles. Ngunit hinahanap-hanap pa rin ng kanilang mga parokyano ang kulot at maninipis na noodles na kanilang nakalakihan. At matapos ang apat na taon, dininig na ng noodle brand ang kanilang mga customers at opisyal na ibinabalik ang klasikong histura ng pancit canton noodles.

Inanunsiyo ng Lucky Me! sa kanilang official Facebook page ang pagbabalik ng mas manipis na noodles ng pancit canton nila. Ganoon pa rin ang packaging nito ngunit mayroon lamang nakasulat na “thinner noodles.”

Gayunman, ang mas manipis na noodles ng kanilang pancit canton ay mabibili lamang ngayon sa buong Luzon. Kalamansi flavor lang din muna ang mayroong manipis at klasikong noodles. Wala pa ring opisyal na anunsiyo ang Lucky Me! kung makikita na rin natin sa mga susunod na araw ang manipis na noodles sa iba pang flavors.

Legit na nga ang comeback ng manipis na noodles ng pancit canton ng Lucky Me! dahil mayroon nang ilang netizens na nagbahagi na nakabili na sila nito sa grocery stores. Sa website na Reddit, ibinahagi ng isang user na si Bananainabox ang nabili niyang pancit canton na may thinner noodles.

Larawan mula sa Reddit post ni BananaInABox

Maraming pancit canton l0vers naman ang natuwa sa balitang ito. Ayon sa kanila, ito na raw ang isa sa good news na hatid ng 2020 kahit puro krisis ang dinaranas ng mundo. Excited na ang ilan na makahanap nito at muling matikman ang orihinal na sarap ng paboritong almusal at meryenda.

Lumabas din ang ilang damdamin ng mga hanggang ngayon ay hindi maka-move on sa mas makapal na pancit canton noodles. Hindi raw kasi nanunuot sa noodles ang seasoning ng makapal na noodles kaya iba pa rin ang manipis at kulot na nakasanayan nating lahat.

Source :

Facebook, Reddit

Loading…