Jessica Soho nagbigay ng mensahe sa kanyang viral na impersonator at napili pang top fan ng KMJS

  • Napiling top fan ni Jessica Soho ang kanyang impersonator na nag-viral sa social media
  • Nagkaroon pa ng video greeting si Soho sa kanyang trending impersonator na ginaya ang isang buong feature ng KMJS
  • Biniro pa ni Soho ang impersonator niya na baka mawalan siya ng trabaho dahil sa galing nito

Noong Marso ay nag-trending sa social media ang isang netizen na ipinamalas ang kanyang husay sa reporting. Ginaya niya kasi ang award-winning Kapuso journalist na si Jessica Soho at napahanga ang mga nakapanood dahil sa kaboses talaga ito ng mamamahayag.

Natuwa pa ang maraming social media users dahil hindi lang si Soho ang ginaya niya, kung hindi kabisado niya ang isang feature sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) tungkol sa isang batang may kakaibang kondisyon.

Larawan mula sa GMA Network

At isang buwan matapos mag-viral, napansin na rin ni Soho ang kanyang impersonator na si Contessa Rio Fonisher. Napili kasi ng KMJS bilang top fan si Contessa dahil halata rito na fan na fan siya ng nasabing show dahil kabisado niya ang ilang kuwentong na-feature.

Isang video greeting ang handog sa kanya ni Soho sa Facebook page ng KMJS. Nagpasalamat si Soho sa walang patid na pagsuporta ni Contessa sa kanyang show at maging sa panggagaya nito sa kanya. Biniro pa nga siya ni Soho na baka maagawan siya ng trabaho ni Contessa dahil sa husay nito.

“Salamat ha! Pati na sa panggagaya mo sa akin… Kaya lang naku, mukhang aagawan mo pa ako ng trabaho. Pero thank you sa iyong panonood at sa walang sawang suporta,” pahayag ni Soho sa kanyang video greeting sa impersonator.

Agad ring nag-trending online ang video greeting na ito ni Soho sa kanyang fan. Habang isinusulat ang istoryang ito, mayroon nang higit 322,000 views, 14,000 reactions, 600 comments, at 300 shares ang nasabing video.

Larawan mula kay Contessa Rio Fonisher

Masaya naman ang mga fans ni Contessa dahil sa wakas ay napansin na siya ng kanyang idolo. Nagpapasalamat din sila kay Soho para sa pagkilala kay Contessa na sikat na ngayon online dahil sa kanyang impersonations.

Maraming KMJS fans naman ang umaasa na mga susunod na buwan ay sila naman ang magiging top fan ng show at makatatanggap ng video greeting mula kay Soho. Ang KMJS ang nananatiling number one program sa Pilipinas, ayon sa Nielsen TV audience ratings.

Panoorin ang video greeting ni Soho sa impersonator niya:

Loading…