Kahit naghihikahos din, magsasaka sa Ilocos Norte namigay ng gulay sa mga frontliner

Imahe mula sa Facebook | Aldwin Chan Domingo
  • Hindi naging hadlang ang kakapusan sa buhay upang tumulong sa mga frontliner ang magsasakang si Rasel Reondes
  • Namitas siya ng saluyot at bunga ng malunggay saka pumunta sa isang barangay upang ibigay ito sa mga frontliner
  • Labis na naantig ang netizen na si Aldwin Chan Domingo sa ginawa ni Rasel kaya naman ibinahagi niya ito sa Facebook

Kapos man sa buhay ngayong may umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon ay gumawa pa rin ng paraan ang magsasaka na si Rasel Reondes, residente ng Ilocos Norte, upang makapag-abot ng tulong sa mga frontliners.

Imahe mula sa Facebook | News 5 Features

Naantig ang damdamin ng netizen na si Aldwin Chan Domingo nang pumitas si Rasel ng saluyot at bunga ng malunggay na ayon sa Inquirer ay mga pangunahing sangkap ng Ilocano dish na dinengdeng.

Ibinahagi ito ni Aldwin sa isang Facebook post kung saan pinasalamatan niya si Rasel dahil sa kaniyang kabutihang-loob.

“Naantig nang husto ang aming damdamin sa iyo, anak, dahil ang akala namin ay iiwan mo lang pero ibibigay mo pala ito sa mga frontliners. Yung sakripisiyo mong kumuha ng bunga ng malunggay at saluyot kahit tirik yung araw at ihatid sa amin gamit lamang ang iyong bisekleta,” ani Aldwin.

Lalo raw silang napahanga dahil sinadya talaga ni Rasel ang kanilang barangay. “Hindi namin masusuklian yung ginawa mo, anak. Kahit hindi ka taga Barangay 14, alam mong tumulong kahit parehas tayong kapos sa buhay,” saad pa ni Aldwin sa kaniyang post.

Imahe mula sa Facebook | News 5 Features

“Nagpapasalamat kami nang husto sa’yo at sa bumubuo ng iyong pamilya. Nawa’y bigyan kayo ng Panginoon ng lakas at sigla.”

Maging ang mga netizens ay napahanga sa simpleng paraan ni Rasel upang makatulong.

“Ang bait naman. He has a golden heart. In this situation, he did not even think about himself,” komento ni Melody S. sa ibinahaging larawan ng News 5.

“Nakakaproud talaga kapag yung kapwa mo mahirap ang gumagawa ng mga ganitong kabuting bagay. Mamamangha ka na lang talaga dahil kahit walang wala ay hindi nakakalimutan tumulong,” sabi naman ni Jay S.

Salamat sa iyong kabutihan, Rasel!

Loading…