“Kakaselpon mo ‘yan!” Mga klasikong sermon ni Nanay, patok na meme ngayon sa social media

  • Viral ngayon sa social media ang memes tungkol sa klasikong sermon ng mga nanay
  • Maraming netizens ang naka-relate at hindi inakalang pare-pareho ang sermon ng mga nanay
  • Ngiti ang naibigay nito sa mga nakabasa dahil tunay namang nakaaaliw na balikan ang mga pangaral ng mga nanay natin noong tayo ay bata pa

Walang duda na si mama, nanay, inay, o mommy ang una nating hinahanap kapag hindi natin makita sa loob ng bahay. Hindi rin maipaliwanag ng maraming anak kung bakit pero tunay na mahalaga ang ating ina lalo na ang kanilang pag-aalaga.

Gayunman, may mga panahon na nagkakaalitan din ang ina at anak. Lalo na sa mga oras na ‘beastmode’ si nanay at naisipan nitong magsermon. At ngayong nasa enhanced community quarantine (ECQ) ang Luzon, maraming netizens ang nasasampolan na naman ng mga klasikong sermon ni mama.

Larawan mula sa Facebook post ni Chie Lyn

Trending ngayon sa social media ang memes na gawa ng netizen na si Chie Lyn tungkol sa mga sermon ng nanay na nararanasan nating lahat. Marami ang hashtag relate sa mga simpleng linyahan ng mga nanay na noon ay nagpaluha sa marami sa atin, pero ay tinatawanan na lang ng mga nagsipagtanda na ngayon.

Ilan sa mga klasikong sermon na nasa meme ay “sige lang kayong higa kala n’yo mga pensyonado,” “ayos, parang mga seniorito, seniorita,” “ano ba ‘yang tugtog mo pang adik,”pa-shota-shota na di nga malabhan sariling brief/ panty,” “di ka titigil kanina ka pa sa tricycle,” “sige ka lang bihis akala mo may labandera ka,” “ano di pa kayo babangon? Tanghali na puyat pa dahil sa selpon na ‘yan,” at marami pang iba na makikita sa trending post ni Chie Lyn.

Dahil dito, agad na umani ng higit 6,700 reactions, 2,000 comments, at 40,000 shares ang koleksyon ng mga linyahan ni nanay memes na likha ni Chie Lyn. Maraming netizens ang talaga namang naka-relate sa mga sermon ng nanay nila noon.

Sabi pa nga ng ilang netizens, iisang factory lang daw talaga ang pagawaan ng mga nanay. Kasi kahit magkakaibang pamilya raw, ay hindi nalalayo ang sermon ng mga ito na sasang-ayunan daw ng bawat anak.

Larawan mula sa Facebook post ni Chie Lyn

Nakadagdag din sa pagkaaliw ng mga mambabasa ng memes ang pag-iimagine ng boses ng kanilang nanay. Mas mabisa raw kung babasahin mo ang bawat linya alinsunod sa kung paano ito bigkasin ng iyong ina.

Ang ilan naman ay naging senti dahil naalala nila ang kanilang mga ina na wala na sa kanilang tabi at ang ilan naman ay magkalayo ngayon dahil sa umiiral na ECQ.

Loading…