Kantang ‘Save Our Seas’ muling napakinggan dahil sa kontrobersyal na awiting ‘Iisang Dagat’ ng China para sa PH

  • Muling lumutang ang awiting “Save Our Seas” matapos ilabas ng China ang kanilang song tribute para sa Pilipinas na “Iisang Dagat”
  • Binuo ang awitin mula sa mga tinig ng Pinoy rapper na si Sickmind, Vietnamese rapper na si Tu Pham, at Malaysian singer na si Mei Lee
  • Una nang inilabas ang kantang “Save Our Seas” sa Youtube noong November 2019 kung saan mapapanood ang official music video nito sa channel ng Vietnamese rapper na si Tu Pham

Muling sinariwa ng maraming netizens ang awiting sama-samang binuo ng ilang mga artist mula Southeast Asia na may mensaheng iligtas sana ang mga dagat mula sa bansang nais umangkin nito.

Imahe mula sa official music video ng kantang “Save our Seas”

Nangibabaw muli sa social media ang awiting pinamagatang “Save Our Seas” ilang araw matapos lumabas ang kontrobersyal na song tribute ng China para sa Pilipinas.

Matatandaan na maraming Pinoy ang nagpahayag ng kanilang pagkadismaya sa awiting “Iisang Dagat” na inilibas ng Chinese Embassy Manila sa kanilang Facebook page nitong Abril.

Isinulat mismo iyon ng Chinese Ambassador to the Philippines na si Huang Xilian upang ipakita umano ang pagtutulungan ng dalawang bansa kontra C0VID-19.

Marami rin ang hindi natuwa matapos itong kantahin ng kapuwa Pinoy na si “Jukebox Queen” at Camarines Sur vice-governor Imelda Papin.

Kasama niya rito sina Chinese diplomat Xia Wenxin, Filipino-Chinese singer Jhonvid Bangayan, at Chinese actor Yubin.

Ayon sa ilang netizens, nagpapasalamat sila sa lahat ng tulong ng China sa Pilipinas ngunit hindi ibig sabihin nito ay maaari na nilang angkinin ang dagat na pagmamay-ari ng Pilipinas.

Dahil na rin sa nasabing isyu, nabigyang-buhay muli ang awiting “Save Our Seas” na unang nailabas ng Vietnamese rapper na si Tu Pham sa kaniyang Youtube channel noong November 2019.

Imahe mula sa official music video ng kantang “Save our Seas”

Inawit ito ng ilang Southeast Asian artists kabilang na ang Pinoy rapper na si Sickmind, Vietnamese rapper na si Tu Pham, at Malaysian singer na si Mei Lee para mapanatili ang kalayaan sa karagatan, partikular na sa “Great South East.”

Mapapanood ang official music video ng kantang “Save Our Seas” sa ibaba:

Loading…