“Kapangyarihan ng araw”: Hit telefantasya noong 2007 na ‘Super Twins,’ mapapanood nang muli online

  • Maaari nang muling subaybayan ang hit telefantasya na Super Twins online
  • Ia-upload ng GMA Network sa kanilang rewind YouTube channel ang mga episode ng nasabing show
  • Maraming fans naman ang nanumbalik ang alaala ng kabataan dahil sa seryeng ito

Nakilala ang GMA Network noong 2000s dahil sa kanilang mga top-rater na telefantasya. Marami sa mga palabas na ito ay naging malaking bahagi ng ating kabataan at hanggang ngayon ay isang matamis na alaala para sa atin.

At ngayong nakabakasyon ang marami sa trabaho at sa eskwela, ito na ang pagkakataon na mabalikan ang mga telefantasya na kinagiliwan natin noon. Isa sa mga pinakatumatak ay ang seryeng pinagbidahan nina Nadine Samonte at Jennylyn Mercado na Super Twins.

Larawan mula sa YouTube video ng GMA Network

Naging tanyag ang kanilang kataga o chant na ginagawa nila kapag magta-transform ang mga batang sina Sha-sha at Tintin bilang mga superheroes na ginagampanan nina Nadine at Jennylyn. Halos lahat ng nakapanood ng serye ay ginagaya ito at marami sa atin ay kabisado pa ang linyang ito.

“Kapangyarihan ng araw… Taglay ay liwanag… Kambal na lakas… Kami ang Super Twins,” ang pamosong linyang binibigkas ng mga bida sa telefantasyang unang napanood noong 2017.

Ngayong 2020, binibigyan ng pagkakataon ng GMA Network na sariwain ang magandang kuwento ng Super Twins dahil mapapanood na ang episodes nito sa website ng GMA Network at sa kanilang official rewind channel sa YouTube na GMA Playground.

Isa-isang ia-upload ng GMA Playground sa kanilang channel ang bawat episode ng Super Twins kung saan kasama rin nina Jennylyn at Nadine ang Kapuso Drama King na si Dennis Trillo na gumaganap din bilang kambal na bida at kontrabida.

Larawan mula sa YouTube video ng GMA Network

Kasama rin sa serye ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera. Baguhan pa lamang noon si Marian sa showbiz at siya ang gumaganap na nanay nina Nadine at Jennylyn. May punto rin sa serye na naging kontrabida siya sa mga sariling anak.

Inulan naman ng magagandang komento ang unang episode ng Super Twins sa YouTube. Nagbalik daw ang kabataan ng marami at sinariwa kung paano nila ginagaya ang pag-arte nina Super S at Super T lalo na kapag nagta-transform bilang superhero.

Panoorin ang unang episode ng Super Twins:

 

Loading…