Kapitan sa Batangas, inireklamo ng paglabag sa social distancing matapos na mag-photo op habang namimigay ng relief

Imahe mula sa Facebook | GMA News
  • Isinumbong ng isang netizen ang kanilang barangay captain sa Tanauan, Batangas dahil sa hindi umano nito pagsunod sa physical distancing nang mag-photo op ito habang nag-aabot ng relief packs
  • Paliwanag naman ng kapitan, minsan daw talaga ay hindi maiiwasan na may mga nais na lumapit sa kanila
  • Paiimbestigahan naman daw ng DILG ang kapitan na ito

Inireklamo ng netizen ang isang barangay captain sa Tanauan, Batangas dahil hindi umano nito sinunod ang social distancing nang magpa-photo op siya sa mga inabutan niya ng relief goods.

Imahe mula sa Facebook | GMA News

Idinulog ng isang residente ng Brgy. Darasa sa programa ng GMA na Sumbungan ng Bayan ang kanilang kapitan.

“Nais ko lamang po magtanong regarding sa physical distancing na ipinatutupad sa buong bansa. Exempted po ba ang mga opisyal ng gobyerno, lalo na po ang mga barangay offical? May isang barangay po kasi sa Tanauan City, Batangas na hindi sumusunod sa physical distancing,” sabi nito.

Kalakip din nito ang mga larawan na nagpapakita sa kapitan katabi ang mga inaabutan niya ng food packs.

Sa kabila ng pagbabawal ng mass gathering ay nagsasama sama pa rin umano ang mga kawani ng barangay sa pamimigay ng food packs, dahilan upang magkumpol kumpol sila.

Paliwanag naman ni Barangay Darasa Capt. Luisito Flores, kahit iniha-house to house nila ang mga ipinamimigay ay hindi maiiwasan na may mga gustong lumapit sa kanila.

Imahe mula sa Facebook | GMA News

“Iyon pong pamimigay, ma’am, iniha-house to house po namin. At kami po iyong magkakasama kasi sa laki po ng barangay na ito, hindi po kami nagpapapila. Minsan po kasi hindi po mapigil talaga na gusto pong makalapit po sa amin. Iyon po yung hindi maiwasan lalo sa mga area ng riles,” pahayag niya sa programa.

Ngayon daw ay magpapalabas na lamang sila ng upuan upang malimitahan ang contact.

Sabi naman ni DILG Usec. Jonathan Malaya, paiimbestigahan nila ang kapitan na ito.

“Si Sec. Año nagsasabi paulit-ulit na this is not the time for politics, only for public service. At the same time, kung totoo nga iyan na ganiyan ang ginagawa niya, it violates the social distancing policy of the government as well as the prohibition on mass gathering,” aniya.  “Puwede po natin isyuhan ng show cause order iyang kapitan na yan.”

 

Source :

Facebook

Loading…