Katapatan sa gitna ng COVID-19: Relief goods, iniiwan ng pamilya sa gilid ng kalsada para sa nangangailangan

Imahe mula sa Facebook | ABS-CBN/ Zulkifle Mohammad Pak
  • Namahagi ng relief goods ang isang pamilya sa Maguindanao ngunit sa halip na iabot ito sa mga nangangailangan ay iniwan nila ang mga ito sa gilid ng kalsada
  • Kalakip nito ang note na nagsasabing maaaring kumuha ng isang pack kada pamilya na wala nang maisaing
  • Ito raw ay upang pairalin ng mga Pilipino ang pagiging matapat sa kabila ng kinahaharap ng pandemic

Sa kabila ng kinahaharap na pagsubok ng bansa dala ng COVID-19 ay may naniniwala pa rin sa katapatan ng mga Pilipino.

Imahe mula sa Facebook | ABS-CBN/ Zulkifle Mohammad Pak

Sa Sultan Kudarat, Maguindanao, iniiwan ng pamilya ni Zulkifle Mohammad Pak sa isang upuan sa gilid ng kalsada ang mga binalot nilang relief packs kalakip ang note na nagsasabing maaaring kumuha ng isang pack kada pamilya ang mga walang pangsaing.

“Isang balot lang po bawat pamilya para po maraming matulungan,” saad sa kanilang note.

Ginawa raw nila ito dahil nais nilang sumunod sa turo ng Islam at upang pairalin ng mga Pilipino ang katapatan.

“Kagustuhan lang [namin] na tumulong for the less fortunate as Islam taught us and gusto ko lang i-practice ang honesty kaya naisip ko yun,” sabi niya sa ABS-CBN News.

Dagdag niya, limang sakong bigas kada dalawang araw ang narerepack nila. May kasama rin itong monggo at daing, na kinukuha pa raw niya sa Pagadian.

Imahe mula sa Facebook | ABS-CBN/ Zulkifle Mohammad Pak

“Kung hindi pa pagod pagkagaling ng trabaho, nagre-repack kami. Yung dried fish sinadya ko pa kunin sa Pagadian kahit sobrang higpit ng mga checkpoints going there. ‘Yung budget naman is from my personal income pero I encouraged my siblings na rin para magpadala ng bigas,” ani Zulkifle.

Mahigit isang linggo na ring nagsasagawa ng relief ang pamilya upang makatulong sa mga kababayang naapektuhan ng quarantine ang pamumuhay. Dahil dito ay inulan sila ng pasasalamat mula sa netizens.

“God bless this family. May mabuting pus0 na tumulong sa nangangailangan. More blessings to come,” komento ni Shailene M.

Ganito rin ang ginagawa ng isang ginang at ng kanyang mga anak para sa mga batang nangangalakal dati na inasistihan nila sa pag-aaral sa Las Pinas mula pa noong 2012. Sila ay nagsasabit ng bigas at ilang groceries simula pa noong Marso 15 para sa mga batang iyun at minsan ay sinasamahan pa nila ng pambili ng gulay at ibang pangangailangan sa pagluluto. Katuwang nila ang ilang DF bloggers sa pagbibigay ng ayuda sa mga bata at pamilya ng mga iyun.

Samantala, sinabi naman ni E. Jesoro na inilabas ng pandemic ang kabutihan sa mga Pilipino. “Mabuhay ang Pilipino! Lumabas na higit na nakakarami ang may mabuting kalooban — tunay na ugaling Pilipino.”

Loading…