Katutubong Mangyan pinasalamatan ang “puzzle creator” na lola sa kanyang pagtatapos sa kolehiyo

  • Sa kanyang pagtatapos pinasalamatan ng katutubong Mangyan ang kanyang lola
  • Palagi raw siyang pinapaalalahanan nito na huwag mahiyang makisalamuha sa iba
  • Sinasabi nitong magsikap siya at maging masaya

Ano ang pinapangarap mo? At kapag nakamit mo ba ito ay handa mong linguinin ang mga taong nasa likod at tumulong para makamit mo ang iyong pinakamimithing tagumpay?

Image by Pino S. Aranzado via Facebook

Kumakailan lamang ay pinasalamatan ng isang Mangyan ang kanyang “puzzle creator” na nagsuot pa ng takong para sa kanyang pagtatapos sa kolehiyo.

Kuwento ni Pino Aranzado, nilakbay umano niya ang bundok, kasama ang kanyang lola, upang maabot ang kanilang paaralan para sa kanyang pagtatapos. Pero dahil sa malayong paglalakbay ay nasira ang suot ng lola kaya nagpaa na lamang ito.

Masaya naman si Aranzado na nakasama ang kanyang lola sa mahalagang okasyon.

Aniya, “One of my greatest puzzle-creator. From the mountain to the city just to attend both our special day. The graduation day. PS. Nagtakong pa ‘yan for the first time pero nasira sa daan kaya nagpaa na lang.”

Sa naunang post ng katutubo, inilarawan niya bilang isang guro ang kanyang lola na laging nagpapaalala na ‘wag mahiyang makisalamuha sa iba.

Sabi umano ng lola, “Bakit ka ga mahihiya na makisalamuha, eh parehas laang naman kayo ng kinakain??? Magsikap ka at ako ay masaya! Hayae ga sila kung sila eh matapang, basta ikaw eh mabait!”

Ito, ani Aranzado, ang ginagamit niyang motibasyon para panatilihin ang ngiti sa kanyang labi at ipakita ang buong kahusayan sa mga bagay.

Ang pagpapamalas ng pagmamahal sa kanyang lola at patuloy na paglingon sa taong naging parte ng kanyang tagumpay ay hinahangaan ng mga netizens.

Nag-trending ang kanyang update na nakalikom na ng nasa 53,000 reaksyon at aabot sa 25,000 pagbabahagi habang ipino-post ito.

Image by Pino S. Aranzado via Facebook

Komento ng isa, “I stalked you sir and I really admire the closeness within your family. Sir, naging inspirasyon ka po sa akin. God bless po.”

Dagdag pang komento, “You are a very good son. God bless you. Keep going. Reach for your star! Being a good son, I know u can do it! Keep it up!”

Image by Pino S. Aranzado via Facebook

Loading…