Kawit, Cavite mayor ipina-auction ang vintage car para sa karagdagang COVID-19 fund

Imahe mula sa Facebook | Angelo G. Aguinaldo
  • Ipina-auction ni Kawit Mayor Angelo Aguinaldo ang kaniyang vintage car
  • Ang kabuuang kikitain dito ay ilalaan niya raw para sa mga senior citizens na kaniyang nasasakupan
  • Kahit malapit ang kaniyang pus0 sa sasakyan ay kailangan niya raw itong gawin lalo na at walang kasiguraduhan kung kailan matatapos ang COVID-19 pandemic

Upang makalikom ng karagdagang pondo para sa mga senior citizens lalo na at muling na-extend ang enhanced community quarantine(ECQ) sa ilang bahagi ng Luzon ay nagdesisyon si Kawit, Cavite Mayor Angelo Aguinaldo na ipa-auction ang kaniyang vintage car.

Imahe mula sa Facebook | Angelo G. Aguinaldo

Aniya, mahalaga para sa kaniya ang 1969 Dodge Charger R/T ngunit nais niyang matulungan ang kaniyang mga kababayan kaya naman gagamitin niya raw ang lahat ng kikitain dito para sa mga lolo at lola.

“Kahit malapit sa pus0 ko ang sasakyang ito ay hindi po ako nag-atubiling, ipa-auction ito dahil ito po’y bagay na mas makakatulong sa inyong lahat,” aniya sa kaniyang Facebook page.

Nais niya rin daw na mahatiran ng tulong ang mga nangangailangan lalo na at walang nakaaalam kung hanggang kailan tatagal ang krisis na ito na nararanasan hindi lamang ng Pilipinas kundi ng buong mundo.

“Hindi po biro ang problemang dala ng COVID-19 sa ating bayan at hindi rin biro ang kakailanganing gastusin para rito. Walang kasiguraduhan kung kailan talaga matatapos ang krisis na ito, kaya naman handa akong gawin ang lahat para makatulong sa lahat ng Kawiteño,” sabi ng alkalde.

Imahe mula sa Facebook | Angelo G. Aguinaldo

May naganap na raw na private bidding noong isang linggo sa starting price na P4.2 million.

Sa kaniyang update noong April 23 ng gabi ay sinabi niyang umabot na sa P5.9 million ang pinakamataas na bid para rito. Bukas ang bidding hanggang sa Linggo.

Noong April 18 ay sinabi ni Mayor Aguinaldo na may tatlong kumpirmadong kas0 na sila ng COVID-19 sa Kawit. Ang dalawa ay pawang mga frontliners na naka-confine na sa mga ospital kung saan sila nagtatrabaho.

Pakiusap ng alkalde, sumunod ang lahat sa payo ng pamahalaan na manatili sa loob ng bahay.

Tingnan ang vintage car dito:

Loading…