Kendi ng kabataan: Netizen masayang makabili pa rin ng klasikong bubble gum na ‘Tarzan’ sa isang sikat na supermarket

  • Maraming batang 80s at 90s ang may paborito sa bubble gum na Tarzan
  • Matagal daw kasing maubos ang tamis nito kaya swak na nguyain at sulit ang bayad
  • Isang netizen ang nakadiskubre na mayroon pa pala nitong nabibili sa supermarket 

Malaking bahagi ng kabataan natin ang mga pagkaing simple man, ngunit talaga namang tumatak. Kabilang sa mga ito ay ang mga pagkaing tinda sa sari-sari store. Madalas ay barya-barya lang ang pera natin bilang musmos kaya naman iyong mga mumurahin lang din ang nabibili natin na hindi naman nabibigo na tayo ay pasayahin.

Isa sa mga sumikat na kendi noon sa mga kabataan ay ang Tarzan Bubble Gum. Ipinangalan ito sa sikat na karakter sa isang kuwento na si Tarzan, isang taong bundok. Sabi nila, dahil daw may katigasan ang chewing gum na ito kumpara sa iba kaya inihango ang pangalan sa astiging hari daw ng kagubatang si Tarzan.

Larawan mula sa Facebook post ni Crown Joycel

Pero hindi maitatanggi na ang kasikatan ng Tarzan chewing gum ay unti-unting lumamlam dahil na rin sa pagsulpot pa ng ibang brand ng bubble gum. Gayunman, ang mga batang 70s hanggang 90s ay hindi pa rin limot ang masasayang alaala nila sa pagkain ng matamis na bubble gum na nakabalot sa makulay na pakete.

Kaya naman laking tuwa ng isang netizen nang makabili siya ng Tarzan bubble gum sa isang sikat na supermarket. Agad na ibinalita ni Crown Joycel sa Facebook group na We are 90’s ang isang pekete ng Tarzan bubble gum na nabili niya.

Masaya si Crown Joycel na muling makakita nito sa isang branch ng Robinsons Supermarket. Ganoon pa rin ang pakete ng ilang bubble gum habang may nakahalong tila modernong edisyon ng klasikong packaging.

“Bought this earlier sa Robinsons Supermarket. Natuwa lang ako na mayroon pa pala nito hanggang ngayon. Same pa rin kaya ng lasa?” pahayag ni Crown Joycel sa kanyang post.

Larawan mula sa Facebook post ni Crown Joycel

Marami namang batang 90s ang natakam sa post na ito. Ayon sa kanila, matagal na rin daw silang naghahanap ng Tarzan bubble gum kaya naman mapalad raw si Crown Joycel na makabili sa panahong ngayon.

Hindi raw nila malilimutan ang bubble gum na ito dahil sulit ang kanilang piso. Matagal daw kasing maubos ang tamis nito at ikaw na lang daw ang susuko sa pagnguya pero may lasa pa rin ito hindi tulad ng mga chewing gum ngayon.

Ikaw, miss mo ba ang ngumuya ng Tarzan bubble gum?

Source :

Facebook, Spot

Loading…