Kilalanin ang sikat na street food: Nakakain ka na ba ng “tres-kwatro” o fried bopis?

  • Miss na ngayon ng mga Pinoy ang kanilang paboritong street food
  • Isa sa mga ito ay ang fried bopis o mas kilala rin bilang tres-kwatro
  • Tres pesos daw kasi ang baga ng baka habang kwatro pesos naman ang litid

Ngayong bawal muna ang lumabas para maghanap ng street food na malalantakan dahil sa enhanced community quarantine (ECQ), maraming Pilipino ang tiyak na nami-miss na ang kanilang paboritong abot-kaya at masasarap na chibog sa bawat kanto.

May kumakalat nga ngayong video tungkol sa mga street food na miss na miss na ng isang netizen na una niya raw lalantakan kapag balik na sa normal ang lahat. Dahil malaking bahagi ng culinary industry ng Pilipinas ang street food, marami tayong nakasanayang tuhog-tuhog, at marami din ang sumisikat ngayon.

Larawan mula sa Facebook page na Boy Prangka

Isa sa mga maituturing na bagito ‘pag dating sa street food dishes sa Pilipinas ay ang tres-kwatro o kilala rin bilang pritong bopis. Kahawig kasi nito ang Pinoy dish na bopis kung saan lamang-loob ng baboy ang iniluluto. Pero sa pritong bopis na street food, baga at litid naman ng baka ang ipiniprito.

Kahit na medyo masebo ang tres-kwatro, paborito ito ng mga beef l0vers dahil sa murang halaga, matitikman mo na ang linamnam ng baka, na mas pinasasarap pa ng pagsawsaw sa sukang may kombinasyong lasa ng anghang, tamis, at asim.

Hindi tukoy kung saan nagsimula ang pagluluto ng mga Pilipino ng pritong bopis. Ngunit kilala naman ang mga Pilipino bilang maparaan at maging ang mga bahagi ng baboy, baka, at manok na patapon na sana ay nagagawa pa nating iluto at nagiging patok na street food pa nga ang ilan tulad ng pritong bopis.

Pinakukuluan daw muna ng ilang oras ang baga at litid ng baka at tsaka lalagyan ng pampalasa. Tinatadtad rin daw ito sa maliliit na piraso upang mas madaling kainin dahil mayroong pagkamakunat ang street food na ito.

Larawan mula sa Twitter

Naging tres-kwatro daw ang bansag sa street food nito dahil sa presyo ng bawat stick. Tres daw kasi noon ang halaga ng baga habang kwatro naman ang litid. Ngunit dahil patok na sa maraming Pinoy, may ilang mas mahal na raw ang benta rito.

Gayun pa man, isa pa rin ito sa mga pinakapaborito ngayon ng mga Pilipino. Ang iba nga ay inuulam pa ito sa kanin na parang ang sikat na bopis na nakagisnan nang iluto kapag may okasyon sa pamilya o itinda sa mga karinderya.

Source :

YouTube, Facebook

Loading…