Kilalanin si Francis Leo Marcos, ang lalaki sa likod ng ‘Mayaman Challenge’

Imahe mula sa Facebook | Francis Leo Marcos
  • Isang netizen ang nagpasimuno ng Mayaman Challenge na nanghahamon sa mga nakaaangat sa buhay na tumulong sa mga apektado ng enhanced community quarantine
  • Sinimulan ito ng 40 anyos na si Francis Leo Marcos upang makatulong sa mas maraming mamamayan
  • Mula noon ay marami na ang kumasa sa kaniyang hamon

Narinig mo na ba ang Mayaman Challenge?

Ito ay sinimulan ng netizen na si Francis Leo Marcos upang hikayatin ang mga nakaaangat sa buhay na mag-abot ng tulong para sa mga mamamayan na apektado ng umiiral na enhanced community quarantine dahil sa COVID-19.

Sa isang panayam sa Pep, sinabi ng 40 anyos na si Marcos na hangarin niyang mas maraming mga Pilipino ang matulungan.

“Noong pumut0k ho yung COVID-19 pandemic, paglabas ko noong unang araw, umikot ako sa EDSA, walang katao tao. Ang una kong nakita ay yung mga mamamayan natin na wala nang nagbibigay ng limos sa kanila. Paano po sila mabubuhay,” kuwento ni Marcos sa Pep.

Dahil dito ay nagpaluto raw siya ng pagkain para sa 500 katao. Dito niya raw naisip na hindi niya kakayanin kung mag-isa lamang siya kaya sinimulan niya ang Mayaman Challenge.

Simula raw noon ay marami na ang kumasa sa kaniyang hamon. May mga may-ari ng bigasan na nag-donate ng bigas; may-ari ng orchard na namahagi ng bunga ng kalamansi; at may-ari ng mga palaisdaan na namigay ng isda.

“Talagang hinahamon ko silang lahat na mag-donate. Sabi ko sa kanila, Lose me or help me. Kapag hindi ninyo sinagot ang Mayaman Challenge ko, hindi na tayo magkakaibigan,” dagdag niya. “Hindi ko kailangan yung ‘Francis, we got you. We got your back.’ Hindi ko kailangan ang ganoon.”

Imahe mula sa Facebook | Francis Leo Marcos

Nang tanungin kung saan nanggagaling ang perang ipinantutulong ni Marcos, sinabi niyang nagbenta siya ng malaking lupain sa Isabela.

“Ako po ay nagbayad ng tax, ng capital gains tax, so wala akong tinatakbuhang taxes, at yung pinagbilhan ko ng lupa na may kalakihan, ‘yon ang naging simula para bumangon ako uli,” lahad niya.

Nagpapagawa rin daw siya ng tatlong kompanya. “Willing akong ibigay kung ano yung kaya kong ibigay—lahat,” aniya. Sa kabila ng kasikatan dahil milyon-milyong views ang inaabot ng kaniyang videos ay nilinaw niyang wala siyang balak na pumasok sa pulitika.

“Baka iniisip nila, dahil sa sikat ako ngayon, tatakbo ako sa pulitika. Uulitin ko, pagkatapos ng pandemic, ako ho ay uuwi na sa aking asawa at doon na ho ako mamumuhay,” paglilinaw niya.

Loading…