Konsehal sa Bulacan, namahagi ng diapers at gatas para sa mga bata

  • Namigay ng diapers at powdered milk ang isang konsehal sa Bulacan
  • Ito ang naisip niyang ayuda para sa mga bata ng San Jose Del Monte, Bulacan
  • Marami naman ang nagpaabot ng papuri at paghanga sa ginawang ito ng konsehal

Bukod sa mga nakatatanda o senior citizens, nararapat ding pangalagaan ang kalusugan ng mga bata, lalo na ang mga sanggol. Kinakailangang mabigyan sila ng sapat na bitamina, pagkain, o kaya naman ay gatas upang mapalakas pa ang kanilang resistensya.

Kung mga ayudang relief goods o food packs ang ipinamamahagi ng ibang mga opisyal, mga diapers at gatas naman para sa mga bata ang paabot na tulong ng isang konsehal sa San Jose Del Monte, Bulacan na si “Ryan Elfa”, batay sa kaniyang Facebook post noong Abril 2, 2020.

Imahe mula sa Facebook account ni Ryan Elfa

Ayon sa kaniyang caption, “Magandang araw, Pamilyang San Joseño! Bilang ama at isang magulang, alam ko ang pagnanais ninyong mabigyan ng maayos na kalusugan ang inyong mga anak. Kung kaya’t nais ng inyong lingkod na maghandog ng mga diapers at gatas upang masiguro na sa kabila ng ating dinaranas ay manatili silang malakas at malusog.”

Ibinigay rin niya ang paraan kung paano makatatanggap ng ayuda nang hindi lumalabag sa panuntunan ng enhanced community quarantine at sinusunod pa rin ang social distancing. Hinikayat niya ang mga magulang na may mga anak na ilagay sa comment section ng kaniyang post ang kanilang pangalan, tirahan at contact number.

“Mangyari lamang po na paki–comment po ang inyong pangalan, address at contact number na maaari naming kontakin upang aming maihatid ang tulong. Sisikapin po namin na matugunan kayo. Patuloy po tayong pagpalain ng ating Panginoon at ilayo tayo nawa sa COVID-19,” panuto at dagdag na mensahe ng konsehal.

Pinasalamatan naman ng mga netizens ang ayudang ito ng konsehal. Wala pa mang isang araw ay dumagsa na ang comment section ng kaniyang post mula sa mga magulang na naghahangad ng libreng diapers at powdered milk para sa kanilang mga anak.

Public Domain Image

Kudos sa iyo, Konsehal Elfa! Sana ay pamarisan ka ng lahat!

Loading…