Kuwento at diskarte sa panahon ng quarantine, maaaring ibahagi sa isang panawagan sa Twitter

  • Marami sa atin ang gumagawa ng mga paraan kung paano malalabanan ang pagkainip sa bahay dulot ng community quarantine
  • May isang paraan kung paano magiging kapaki-pakinabang ang iyong pananatili sa bahay
  • Ito ay sa pamamagitan ng pagbabahagi ng iyong kuwento o tips tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng ating bansa

Paano ka dumidiskarte ngayong panahon ng COVID-19? Ito ang tila mapanghamong tanong ng Kwentong Quarantine Twitter account sa mga Pilipino.

Hindi lamang ito simpleng tanong kundi isa rin itong kapaki-pakinabang na gawain para makapagbahagi ng mga impormasyon at tips sa panahon ng community quarantine.

Imahe mula sa Pixabay

Ayon sa poster na kanilang ipinaskil sa social media, kailangan lamang ikuwento at ibahagi ng mga netizens ang kanilang karanasan, kaalaman, o tips na kanilang isusulat sa loob lamang ng hindi hihigit sa 280 characters.

Maraming paksa ang maaaring pagpilian ng mga netizens tulad ng mga paraan kung paano makapag-relax habang nananatili sa loob ng bahay dulot ng quarantine.

Maaari ding magbahagi ng recipe tips o paraan ng pagluluto, tulad ng kung paano lulutuin sa iba’t ibang paraan ang mga delata na ibinahagi sa inyong barangay.

Isa pa ang kung paano maisasabuhay ang physical distancing kung may mahalagang gagawin o kung kailangang lumabas para bumili ng mahahalagang suplay.

At dahil marami rin sa atin ang work-from-home, maaari ding magbahagi ng karanasan kung paano maging isang epektibong empleyado sa kabila ng ganiting set-up.

Siyempre, bukas sa anumang paksa ang maaaring ipasa sa kanila.

Ang mga kuwento ay maaaring ma-feature sa Kwentong Quarantine (eKwentoQ) Twitter page (http://www.twitter.com/KwentoQ) kung saan maaaring mabasa ang iyong kuwento at tips ng mga kapuwa Pilipino na patuloy na nakikipaglaban sa COVID-19.

Imahe mula sa Healthy Pilipinas Facebook page

Isa rin itong nakalilibang na gawain kung hindi rin gaanong abala sa mga gawain sa bahay. Ang iyong mga kuwento o tips ay maaaring makatulong sa iba na patuloy na nakikipaglaban at dumidiskarte sa panahon ng COVID-19.

Ang kuwento o tips ay maaaring i-DM o i-tweet sa @KwentoQ o ipadala sa [email protected].

Source :

Twitter, Facebook

Loading…