Lalaki, ipinakita sa ilustrasyon ang nagaganap umanong “katiwalian” sa pagbibigay ng relief goods

  • Inilarawan ng isang lalaki sa pamamagitan ng ilustrasyon ang diumano’y “katiwalian” sa likod ng pamamahagi ng relief goods
  • May ilan kasing pala-palagay na nababawasan na ito mula sa orihinal na budget na ibinibigay sa mga awtoridad na nakatakdang mamahagi nito
  • Iba–iba naman ang naging reaksyon at komento rito ng mga netizens

Nalalapit na ang araw kung saan itinakdang tuldukan ang enhanced community quarantine, subalit tila maraming haka–haka at pala–palagay na magpapatuloy pa ito, lalo’t dumarami ang mga taong nagpopositibo sa COVID–19, bukod pa sa mga bilang ng PUI’s at PUM’s.

Kaugnay nito, hindi rin natatapos ang usapin hinggil sa mga ayudang hindi pa naibibigay sa mga pamilyang higit na nangangailangan. Kaya naman, ipinakita sa Facebook post ng isang netizen na nagngangalang “Wilfred” ang diumano’y “katiwalian” sa likod ng pagbibigay ng budget para sa mga relief goods.

Imahe mula sa Facebook account ni Wilfred Apolinar

“Not my idea haha. May nabasa lang akong post then ini–lustrate ko,” ayon sa caption.

Makikita sa ilustrasyon na pinagpasa–pasahan ng iba’t ibang taong may katungkulan ang budget na 8,000, na naging 5,000, naging 3,000, nataga sa 1,000 na lamang, at sa huli, isang lata ng sardinas para sa makatatangap na tao.

Hindi naman naiwasan ng mga netizens na magbigay ng komento at patunayan ito batay sa kanilang karanasan.

“This country is too corrupt that even the deadliest virus of our time CAN’T change the hearts of politicians,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Ito ba talaga nangyayari ngayon or nag–assume lang kayo kasi ganito lagi ang nangyayari noon? Paano ninyo nalaman na may corruption? Kasi matagal ang tulong? Or hindi lang talaga kayo marunong maghintay? Hindi na kayo makahintay kasi walang-wala na kayo? Bakit nasaan ba kayo noonng nag-warning ang gobyerno for possible lockdown?”

“Hopefully everybody does the right thing. Pera ng taumbayan ang ginagastos ng local government sa pagbibigay ng ayuda. Dapat lamang matanggap ng sinuman, hindi dapat namimili ng mga pamilyang mapagbibigyan,” saad naman ng isa.

Samantala, nilagyan naman ng label ng ibang mga netizens ang mga tauhang nasa ilustrasyon.

Imahe mula sa Facebook account ni Wilfred Apolinar

Magsilbi nawa itong paalala na huwag namang samantalahin ang nangyayaring krisis ngayon. Sana nga, maisantabi na ang katiwalian para sa kapakanan ng taumbayan!

Loading…