Lalaking namemeke ng pirma ni Pres. Duterte at nagbebenta ng quarantine pass, dinakip ng NBI

  • Lalaking nagbebenta ng quarantine pass at namemeke ng pirma ng Pangulo, dinakip
  • Mula P1,500 hanggang P3,000 ibinebenta ng suspek ang quarantine pass na may pekeng pirma ni Pangulong Duterte
  • Nasa kustodiya na ng NBI Laguna ang suspek

Isang lalaki ang dinakip ng mga awtoridad dahil sa ginagawa nitong panloloko sa gitna ng health crisis na kasalukuyang nagpapahirap sa mga mamamayan.

Imahe mula kay PACC Commissioner Greco Belgica

Ang suspek na kinilalang si Marvin Cuna at residente ng Biñan, Laguna ay nagpapanggap umanong miyembro ng Presidential Task Force on Moral Recovery. Nahuli siya ng pinagsanib na puwersa ng National Bureau of Investigation (NBI) Laguna District Office at ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).

Sinabi ni PACC Commissioner Greco Belgica na nakatanggap sila ng reklamo mula sa ilang mamamayan na ang suspek ay nagbebenta ng quarantine pass na nagkakahalaga umano ng P1,500 hanggang P3,000 bawat isa at ang pirma ni Pangulong Rodrigo Duterte ay pinepeke pa nito.

Noong Huwebes, ika-16 ng Abril, ikinasa ng PACC, sa pangunguna ni Commissioner Belgica at Commissioner Rickson Chong, at ni NBI Sta. Rosa Laguna district officer Chief Daniel Daganzo ang isang operasyon na nagresulta sa pagkakadakip kay Cuna.

Nakumpiska sa suspek ang ilang pekeng dokumento, pekeng ID at  pera.

Imahe mula kay PACC Commissioner Greco Belgica

Naglabas ang Office of the President ng sertipikasyon na nagsasabing hindi empleyado at walang koneksyon sa kanilang tanggapan ang suspek.

Isiniwalat ni Commissioner Belgica na si Cuna ay miyembro ng isang non-government organization na nagpapa-accredit sa isang ahensya ng pamahalaan upang makatulong umano sa ginagawang pagtugon ng gobyerno sa COVID-19 crisis.

Imahe mula kay PACC Commissioner Greco Belgica

 

Nilinaw rin ng commissioner na walang ibinebenta ang gobyerno na kahit anong dokumento kaugnay ng health crisis.

Si Cuna ay nasa kustodiya na ng NBI Laguna at nahaharap sa kasong paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act at Falsification of Public Documents.

Imahe mula kay PACC Commissioner Greco Belgica

Loading…