Larawan ng isang tatay na kumukuha ng pananim nang walang paalam para may makain ang pamilya, umantig sa mga netizens

  • Umantig sa mga netizens ang isang larawan ng mag-ama na gumagawa ng sariling diskarte upang may makain
  • Kumukuha sila ng tanim na hindi sa kanila para lamang may panlaman sa kumakalam na sikmura
  • Wala raw kasing dumarating na tulong sa kanila kaya napipilitan silang dumiskarte kahit hindi tama

Maraming Pilipino ang hindi makapagtrabaho dahil sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ). Hindi kasi pinahihintulutan ng pamahalaan na lumabas ang maraming Pilipino upang makaiwas sa banta ng C0VID-19.

Dahil isang buwan ang umiiral na ECQ, isang buwan ring walang kita ang ilang maralitang manggagawa. At dahil walang trabaho, madalas ay wala ring makain ang mga kababayan nating ito. Patuloy na dumaragsa sa social media ang mga post tungkol sa mga pamilyang nanghihingi na ng ayuda para lamang may makain.

Larawan mula sa post ni Erico John A. Magabilin

Pero ang iba, gumagawa na ng sariling diskarte kahit na labag na sa batas. Isa na rito ang trending na larawan sa social media na kuha ng netizen na si Erico John A. Magabilin.

Ayon sa kanyang post, isang ama, kasama ang anak niya na kumukuha ng malunggay na pananim ng iba nang wala raw paalam.

Dahil nasa bandang daan daw ang puno ng malunggay, marahang sinusungkit ng ama ang mga dahon nito upang may makain sila. Kahit hindi nagpaalam ay wala na ring magawa ang ama dahil daw wala na silang makain dahil sa umiiral na quarantine.

“This question might sound as innocent as this child but the same is a reflection of how the underprivileged sector of this country is left with no choice but to risk their lives amidst the pandemic just to put food on the table,” pahayag ni Erico sa kanyang post.

Dahil dito, agad na nag-viral sa social media ang nakaaantig na kuwento at larawan ng mag-ama. Habang isinusulat ang kuwentong ito, halos 2,000 reactions na karamihan ay ‘sad,’ at 3,200 comments ang nakuha ng larawan.

Larawan mula sa PNA

May mga friends naman si Erico sa social media na nagpaabot ng kanilang interes upang tumulong. Gustong malaman ng ibang netizens kung saan makikita ang mag-ama para naman mabigyan sila ng karampatang tulong.

Ayon sa ilang nagkomento, ang larawan daw ng mag-ama ay kuha sa isang subdivision sa Iloilo City. Hiling din ng mga netizens, sana raw ay makarating na ang ayuda sa mga mahihirap para naman daw hindi na sila lumabas o gumawa ng hindi maganda para lang may makain.

Loading…