Larawan ng “sanglaan ng asawa”, nagdulot ng katatawanan

  • Nagdulot ng tawa at saya ang isang inedit na larawan sa social media
  • Nakalagay kasi rito na ito ay “sanglaan ng asawa”
  • Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens

Isa sa mga maaasahang “takbuhan” sa panahon ng kagipitan ang mga sanglaan o pawnshop. Marami kasing mga bagay na may halaga pa ang maaaring pansamantalang ilagak dito, kapalit ang katumbas na halaga, na kinakailangan ding mabayaran batay sa itinakdang oras at panahon.

Karamihan sa mga isinasangla ay mga alahas, mamahaling gadgets, at appliances. Ngunit kakaiba ang sanglaang ibinahagi sa Facebook post ng nagngangalang “Lance Jeff”. Ito kasi ay “sanglaan ng asawa”. Ayon sa caption, “Highest appraisal po depende sa itsura ng asawa n’yo.”

Imahe mula sa Facebook account ni Lance Jeff/Public Domain Image

Bagama’t ito ay paniguradong biro lamang, pumatok naman ito sa mga netizens, lalo na ang mga kasal na o may asawa na. Tamang–tama raw kasi ito lalo na’t ang iba ay nauubusan na ng panggastos dahil hindi makapagtrabaho dahil sa pinalawig na enhanced community quarantine. Nagbigay sila ng reaksyon at komento hinggil dito.

“Hon kahit magutom tayo huwag tayong darating sa puntong ganito. HAHAHA or else, outside the kulambo ka,” sabi ng isa sa kaniyang asawa.

Pahayag naman ng isa, “Puwede bang isangla rito ang asawang maingay at walang ginawa kundi magbunganga tuwing umaga? Hahaha. O kaya naman, yung asawang tatamad–tamad at walang ginawa kundi humilata, kumain, makipag–inuman sa mga kabarkada, o magsugal?”

“Naku, for sure matutuwa ang mga kabit niyan. Paano kaya kung totoo ito? Isasangla ang asawa tapos ang tutubos yung kabit hahaha,” biro naman ng isa.

“Kahit kailan, hindin ko isasangla ang mahal kong asawa, kahit na medyo maingay siya sa umaga at mareklamo sa ibinibigay kong pera, pinakasalan ko siya sa hirap at ginhawa,” ayon naman sa isa.

Ang mga bahay–sanglaan o pawnshop (pawnbroker sa ibang bansa) ay itinatag upang magpautang sa mga taong madalas na mangailangan ng pera at walang paraan upang makalapit o makapag–loan sa bangko, o iba pang mga pautangan. Tinatawag na “remata” ang mga bagay na ginawang kolateral na hindi na natubos pa ng may–ari nito.

Public Domain Image

Samantala, ang inedit na larawang ito ay mula sa isang tunay na bahay–sanglaan na matatagpuan sa Talisay, Cebu City.

Loading…