Law enforcers na magbabantay sa mga public market daragdagan upang maipatupad ang social distancing

  • Magtatalaga ng karagdagang law enforcers sa mga public market upang mahigpit na ipatupad ang social distancing
  • Ipinag-utos ni DILG Sec. Año na limitahan ang entry at exit points ng mga palengke
  • Ang direktiba ay kasunod ng kumalat na video na nagpapakita ng maraming tao sa isang palengke sa Balintawak kung saan hindi na nasusunod ang social distancing protocol

Magtatalaga ng karagdagang law enforcers sa lahat ng pampublikong pamilihan upang siguruhin na susundin ng publiko ang ipinatutupad na social distancing sa layuning hindi na kumalat pa ang novel coronavirus.

Screenshot mula sa video ng GMA

Ipinahayag ni Philippine National Police (PNP) deputy chief for operations Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, ang head ng Joint Task Force COVID-19 Shield, na ang lahat ng police chiefs sa bansa ay inatasan na ipatupad ang hakbang upang malimitahan ang mga tao sa mga public market.

“Our Chief PNP, General Archie Francisco Gamboa, has already instructed local police commanders across the country to implement measures that would limit the number of people in the public markets, specifically on the matter concerning the strict observance of the social distancing rule,” pahayag ni Eleazar.

Inatasan naman ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang mga barangay officials na tulungan ang kapulisan sa pagpapatupad ng social distancing sa mga pampublikong pamilihan.

Inutos din niya na limitahan sa isa hanggang dalawa ang entry/exit points ng mga palengke.

Ang mas mahigpit na pagbabantay sa mga public market ay kasunod ng kumalat na video sa social media na nagpapakita ng maraming tao sa isang palengke sa Balintawak kung saan hindi na nasusunod ang social distancing protocol.

Imahe mula sa DILG

“Nakarating po ang report sa atin kaya po nag-utos si Secretary Eduardo Año sa local government unit at sa ating kapulisan na maglagay na lamang ng dalawa, isa or limitadong lagusan papasok doon sa palengke,” sabi ni DILG spokesman Undersecretary Jonathan Malaya.

Samantala, dahil sa kawalan ng disiplina ng mga tao sa pamamalengke ay pansamantalang itinigil ng Quezon City government ang retail operations sa mga palengke sa Balintawak.

“Napagkasunduan sa pulong na itigil muna ang retail operations o bentahan nang tingi sa mga palengke sa Balintawak,” pahayag ni Quezon City Mayor Joy Belmonte.

Imahe mula sa Abante TNT

Loading…