Listahan ng mga posibleng pangalan ng mga babies na ‘hinango’ sa COVID–19, kinaaliwan

  • Kinatuwaan ang isang listahang nagpapakita ng mga posibleng pangalan ng mga babies na ipinanganak ngayong 2020
  • Kamakailan lamang ay pinangalang “Covid Bryant”, “Covid Rose” at “Coviduvidapdap” ang mga sanggol na isinilang sa buwan ng pamiminsala ng COVID–19
  • Tatawaging “Coronnials” naman, na pinagsamang “Corona” at Millennials” ang mga sanggol na isisilang sa panahong ito ng krisis

Mahalaga ang pangalan ng isang tao sapagkat ito ang magbibigay ng kaniyang pagkakaiba at pagkakakilanlan sa iba pang mga kapwa–tao. Iba–iba ang paraan sa pagbibigay ng pangalan sa isang anak: may nagmula sa mga lolo o lola, pinagsamang pangalan ng mga magulang, mula sa mga tauhan sa Bibliya, o kaya nama’y unique o sariling likha.

Kaya naman, kinaaliwan sa social media ang isang kumakalat na larawang nagpapakita ng listahan ng mga posibleng ipangalan sa mga ipapanganak na sanggol ngayong 2020, sa panahon ng paglaganap at pananalasa ng COVID–19 pandemic sa buong daigdig.

Imahe mula sa Facebook / Public Domain Image

Para daw sa mga lalaki, maaaring pamilian ang mga sumusunod na pangalan: Antonio Covid, Corona Prince, Mark Covidio, Hanson Neil Tyzer, Quarantino, Locke Dawne, Fitz Mazk, Mark Encob, at Sardy Nas.

Kung babae naman daw ang anak, maaaring pangalanang Covidalyn, Corona Princess, Quarrona Mae, Sauchelle Dee Stancia, Quarantinalyn, Al Cohel, Grace Relief, at Virusa.

Isang netizen naman na nagngangalang “Hector Apostol” ang nagbigay ng kaniyang sariling listahan sa pamamagitan ng kaniyang Facebook post.

“Sa mga bagong panganak po diyan, may mga names na po na puwede ninyong gamitin. Pang souvenir lang po. Pili lang,” ayon sa kaniyang caption.

Ilan sa mga pangalang inilista niya ang Quarantine Mae, Lock Downy Pink Perfume, Enhansel and Gretel, Covido Quando Quando, Maria Covid, Covid Stella Marie, Covido Blanco, Covida Blanca, Covid Bryant, Covidubidapdap, at Lukosng Covid.

Good vibes naman ang hatid nito sa mga netizens.

“Kapag nagkaanak ako ng triplets, hahaha, lalagyan ko ng mga pangalang Covid, pramis, para paalala sa lahat na mag–iingat na ang lahat sa susunod,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Nakakaaliw naman ito hahaha. Why not hindi ba? Symbolic kaya. Bagama’t deadly ang virus na iyan, may mga naka–survive pa rin, at may isisilang at isisilang pa rin sa mundong ibabaw.”

Imahe mula sa Facebook account ni Hector Apostol / Public Domain Image

Samantala, noong Marso 15 ay pinangalanang “Covid Bryant” ang isang sanggol na lalaki, dahil sa pagsisimula ng community quarantine sa Metro Manila, at pagkawala ng NBA star na si Kobe Bryant. Bukod dito, may mga sanggol ding pinangalanang “Covid Rose” at “Coviduvidapdap”.

Ang mga sanggol naman daw na ipinanganak ng 2020, bukod sa mga pangalang ito, ay tatawaging “Coronnials”, pinagsamang “Corona” at Millennials”.

Loading…