Local manufacturer kayang gumawa ng 20,000 personal protective equipment kada araw

  • Makagagawa ng hanggang 20,000 PPEs ang mga local manufacturers
  • Ayon kay DTI Sec. Ramon Lopez kasama sa PPE ang surgical mask at N95 mask
  • Sinabi ni Sec. Lopez na kahit ma-lift na ang lockdown ay magiging bahagi na ng buhay ng mga Pilipino ang pagsusuot ng face masks

Isa sa mga dahilan kung bakit lumolobo ang ibinabayad ng COVID-19 patients sa pamamalagi nila sa mga ospital ay dahil sinisingil sa kanila ang personal protective equipment (PPE) na suot ng doktor o nurse na nag-aasikaso sa kanila.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Kuwento ng isang kaanak ng COVID-19 patient, P4,700 ang singil kada papasok sa tent ang nurse o doktor. Tatlong beses umano sa isang araw pumapasok ang nag-aasikasong health professionals sa pasyente.

“Kaya lumobo nang husto ang bill namin dahil sa PPE na ‘yon. Bakit kailangan i-charge sa pasyente, eh obligasyon ng ospital ‘yon?” reklamo ng kaanak ng pasyente na inabot ng P100,000 ang bill sa loob pa lang ng limang araw na pamamalagi sa pagamutan.

Ayon kay Dr. Gerardo Legaspi, director ng Philippine General Hospital, dahil sa desperasyon nila na maprotektahan ang kanilang health workers ay nagbabayad sila ng P1,600 sa foreign suppliers sa bawat PPE.

Bukod sa mahal na presyo ay nagkakahirapan pa sa supply ng PPE dahil napakalaki ng demand dito matapos lumobo sa mahigit isang milyong tao ang kinapitan ng COVID-19.

Sa kabutihang-palad, ang Confederation of Wearable Exporters of the Philippines (CONWEP) ay nakahanap ng magsu-supply ng medical grade material para sa PPE na pasado sa international standard – waterproof at resistant sa contaminants.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Ipinahayag ni Maritess Jocson-Agoncillo, ang executive director ng  CONWEP na kaya nilang makapag-manufacture ng 10,000 PPEs kada araw at kung gagawing 2 shifts ang trabaho ay makagagawa sila ng 20,000 hanggang 25,000 nito kada araw.

Ang PPE coveralls na imported ay P1,600 ang halaga, subalit ang gawa ng CONWEP ay wala pang P700 kada isa ang presyo.

Ayon kay Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, kasama sa PPE ang surgical mask at N95 mask.

Aniya, kahit ma-lift na ang lockdown ay magiging bahagi na ng buhay ng mga Pilipino ang pagsusuot ng face masks kaya hinihikayat niya ang iba pang manufacturers na gumawa na rin ng PPEs.

Sa kanyang pagtataya, aabot ng mahigit isang bilyong piraso ng face mask ang magagamit ng mga Pilipino kada buwan.

Screenshot mula sa ABS-CBN video
Source :

ABS-CBN, Abante

Loading…