Lolong naabutan ng lockdown, nanuluyan na lamang sa lansangan

  • Tinulungan ng isang concerned netizen ang isang lolong naabutan ng lockdown at nanuluyan na lamang sa lansangan
  • Umuwi umano ang kaniyang misis sa Bicol at hindi na sila nakapag–usap pa dahil wala silang cellphone
  • Bumaha naman ang simpatya ng mga netizens at nagpaabot ng tulong para sa matanda

Marami sa ating mga kababayan ang lubos na naapektuhan ng Enhanced Community Quarantine na ipinatutupad sa buong Luzon, at sa iba pang mga lalawigan sa Visayas at Mindanao. Karamihan sa kanila ay mga taong kinakailangang kumayod sa araw–araw upang matustusan ang kanilang mga pangangailangan.

Tulad na lamang ng isang lolong itinampok ng isang concerned netizen na si “Mae Ann Hao-Reginaldo” sa kaniyang Facebook post kung saan naabutan ito ng lockdown sa Quezon City at pansamantalang nanirahan muna sa lansangan dahil ang kaniyang asawa ay umuwi naman sa Bicol.

Imahe mula sa Facebook account ni Mae Ann Hao-Reginaldo

Ayon sa salaysay ng concerned netizen, ang naturang lolo na nagngangalang Antonio Sumang, 80 anyos, ay dating magsasaka na tubong Macabebe, Pampanga. Dahil daw nawasak ng lahar ang kaniyang bahay at palayan na dulot ng pagsabog ng Bulkang Pinatubo, minabuti niyang makipagsapalaran sa Maynila hanggang sa makapag-asawa.

Nang mangyari umano ang lockdown, nasa Cubao si Mang Antonio dahil naghahanap siya ng mga magpapagawa ng payong. Habang nasa daan papauwi ng Batasan Hills, nakasalubong niya ang mga kapitbahay niya at nalaman niyang isinama raw ng biyenan niya ang kaniyang asawa pauwi sa Bicol bago magsara ang NCR.

Wala silang cellphone kaya hindi nila makausap man lamang ang isa’t isa habang may lockdown. Ipinasya niyang bumalik sa kaniyang puwesto sa harap ng pawnshop sa P. Tuazon kapag hindi siya umuuwi sa kanila. Naging mabait naman daw ang mga pulis sa checkpoint na nagbibigay ng pagkain sa kaniya.

“Ipinakita niya ang mga gamit niya sa pag-aayos ng sirang payong. Binigyan ko siya ng tinapay. Binigyan naman niya ako ng mansanas, hindi raw niya mangunguya ito. Humingi siya ng vitamin C noong Biyernes. Dinalhan ko siya ng konti kahapon… Ngayong naka-enhanced quarantine ang lahat, umaasa lamang si Mang Antonio sa kabutihang-loob ng mga nagdaraan, ” ayon sa concerned netizen.

Imahe mula sa Facebook account ni Mae Ann Hao-Reginaldo

Dahil sa post ng concerned netizen, maraming mga may mabubuting puso ang nagpaabot ng tulong para kay Mang Antonio. Naging transparent naman siya at ipinakita ang halaga ng mga donasyon na ipinarating sa kaniya para sa kaawa–awang matanda. Sa kasalukuyan daw ay nasa isang maayos na lugar na si Mang Antonio sa tulong na rin ng iba pang mga concerned citizen.

Nanawagan naman si Reginaldo sa mga kapwa netizens na maaaring makipag-ugnayan sa kaniya kung sakaling nais nilang magpaabot ng tulong para kay Mang Antonio. Iginagarantiya raw niya na magiging transparent at tapat siya sa pag–aabot ng tulong para sa matanda.

Patuloy ang paghahatid niya ng update kaugnay sa pinagdalhan kay Mang Antonio at sa isa pang matandang lalaki.

Loading…