Luto ng kabataan: Naranasan mo bang magtuhog ng mga dahon para sa ihaw-ihaw sa larong luto-lutuan?

  • Isa sa mga laruan ng mga batang 90s ay ang luto-lutuan
  • At ang paborito nilang ‘lutuin’ noon ay ang mga dahon
  • Ginagawa nila itong barbecue o ihaw-ihaw at itutuhog sa stick

Noong mga bata tayo, pangarap nating magawa ang ginagawa ng mga matatanda. Kaya nga siguro nauso ang mga laruang bersiyon ng mga kagamitan ng mga nanay at tatay natin. Isa na sa mga ito ay ang luto-lutuan kung saan ang mga kasangkapan sa kusina ay laruan at nilalaro ng mga batang babae o ‘di kaya naman ng mga nagbabahay-bahayan.

Ngunit karaniwang kasangkapan lang sa bahay ang kasama sa laruang ito. Dumidiskarte na lang ang mga bata sa mga bagay na ‘iluluto’ nila kahit walang ap0y. At ang isa sa mga paboritong pagdiskitahan ng mga bata ay ang dahon sa paligid.

Larawan mula sa Facebook post ni Erecka Suliva

Ibinahagi ng netizen na si Erecka Suliva sa kanyang Facebook account ang isang alaala ng kabataan niya—ang magtuhog ng dahon gamit ang walis tingting at umaktong ito ay pang-ihaw-ihaw o pang-barbecue nila sa kanilang laro.

Ayon kay Erecka, malamang daw ay hindi ito naranasan ng mga ‘rich kid’ dahil karaniwang mga batang kalye ang suki ng ihaw-ihaw na dahon sa luto-lutuan. Kung anong dahon o halaman ang makita ng mga bata, pipitasin nila ito at kukuha rin ng ilang patpat ng walis tingting para sa instant barbecue.

Marami ang relate na relate sa post na ito ni Erecka. Agad ngang nag-viral sa social media ang larawan at sa kasalukuyan, mayroon na itong halos 20,000 reactions, 5,000 comments, at 76,000 shares. Kanya-kanyang bahagi naman ang mga netizens ng kanilang karanasan tungkol sa paglalaro ng mga tinuhog na dahon.

Komento ng ilan, madalas daw na pag-awayan ng mga mag-ina ang ganitong laro. Maliban kasi sa makalat na ang mga dahon dahil hindi naman naglilinis ang mga bata ng lugar na nilaruan nila, madalas ay napipitas din ang tanim ni nanay o lola.

Larawan mula sa Freepik

“Good old days. Isa sa mga unang dahilan ng alitan ng mga nanay. Yari kapag lagas ang dahon ng pang-gardening niya hahaha,” komento ng isang netizen.

Sariwa din sa alaala ng ilan na hindi lang instant pagkain sa luto-lutuan nila ang mga dahon. Ito na rin ang nagsisilbi nilang perang pambili rin ng ‘pagkaing’ dahon din naman. Na-miss tuloy nila ang maging bata muli!

Loading…