Madamdaming panawagan ni Yorme sa mga politiko: Isantabi ang away-pulitika, Covid-19 ang kalaban ngayon

  • Isang madamdaming Mayor Isko Moreno ang natunghayan sa isang video
  • Nanawagan ang alkalde sa mga politiko na isantabi ang pansariling political interest
  • Binigyang-diin ni Mayor Isko na ang kalaban ng lahat ngayon ay ang COVID-19

Ramdam sa mga pananalitang binitiwan ni Manila Mayor Isko Moreno sa isang video ang kanyang sama ng loob sa mga bangayang nangyayari sa pagitan ng mga partido-politikal sa gitna ng pananalasa ng COVID-19.

Screenshot mula sa video ni Mayor Isko Moreno

Aniya, hindi ito ang panahon upang isulong ang mga pansariling political interest kundi panahon ng sama-samang pagtulong sa mga mahihirap na mamamayan na lalong nagdarahop dahil sa malaking dagok na dala ng health crisis sa kalusugan at sa ekonomiya.

Pakiusap siya, tama na muna ang pambabatikos at paghahanap ng butas sa bawat sinasabi ng ating mga lider na gumaganap sa kanilang tungkulin upang tugunan ang krisis na nananalasa sa bansa.

Anumang kulay ng politika – pula, asul, dilaw o puti – dapat raw muna itong isantabi alang-alang sa taumbayan na nagugutom dahil lugmok na sa kahirapan.

Nanawagan siya sa mga politiko, kabilang na ang dalawampu’t apat na senador ng bansa, na iparamdam ang kanilang presensya sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“Ngayon n’yo ipakita. Ipakita ninyo ang pagmamahal n’yo sa Pilipino…maswerte kayo dahil pinagpala kayo. Maswerte tayo dahil nakaluwag tayo sa buhay. Paano ‘yung naghihikahos bago pa mangyari ang krisis na ‘to at lalong naghihikahos dahil sa kasalukuyang krisis na ito,” madamdaming salita ng alkalde.

Screenshot mula sa video ni Mayor Isko Moreno

Maging ang mga mayayamang artista sa industriya ng pelikulang Pilipino ay pinakiusapan ni Mayor Isko na tularan ang ginagawa ni Angel Locsin na walang kapaguran sa ginagawang pagtulong sa kapwa.

“Tularan n’yo si Angel Locsin. ‘Andun sa bahay n’ya tumutulong sa tao. Hindi ito pagkakampi-kampi. Hindi ito pagkakaparti-partido. Nakapamuhay kayo ng marangya, salamat sa Diyos. Masaya ako para sa inyo,” aniya.

Sa kabuuan ng kanyang video, binigyang-diin ng alkalde na isantabi muna ang pagkakahati-hati dahil ang kalaban nating lahat ay iisa – ang COVID-19.

Source :

YouTube

Loading…