Mag–asawa namigay ng homemade cupcakes sa mga kapitbahay

  • Namigay ng halos 250 homemade cupcakes sa kanilang mga masunuring kapitbahay ang isang mag–asawa sa Taguig City
  • Ito raw ay paraan nila upang ipakita ang pagmamahal at pagmamalasakit sa kanilang mga kapitbahay na marunong sumunod sa mga panuntunan ng ECQ
  • Sinunod daw nila ang social distancing sa pamamagitan ng isa–isang pag–text sa mga kapibahay upang makuha ang kanilang masarap na cupcakes

Sabi nga, kung may mga taong kailangan mong pakibagayan at pakisamahan nang maayos, bukod sa iyong mga kapamilya, kaanak, at kabigan, ay ang iyong kapitbahay. Sa panahon kasi ng emergency at matinding pangangailangan, sila ang mabilis na matatakbuhan at maaasahan.

Katulad na lamang ng isang netizen na nagngangalang “Alain Tagpuno” na ipinamalas ang pagmamahal at pagmamalasakit sa mga kapitbahay na naging masunurin sa enhanced community quarantine, sa pamamagitan ng pamamahagi ng homemade cupcakes noong Abril 11 sa Taguig City, ayon sa kaniyang Facebook post.

Imahe mula sa Facebook account ni Alain Atienza Tagpuno

“Our little ways of expressing Appreciation to GOOD neighbors for giving heed to the government’s mandate to STAY HOME. Sa street namin kay daming masunurin at mabubuting tao,” ayon sa kaniyang caption.

Biyernes pa lamang ng hapon ay sinimulan na umano ng kanyang asawang si Azon ang pagbe–bake ng cupcakes na natapos noong Sabado ng madaling araw. Dahil may numero naman sila ng kanilang mga kapitbahay, isa–isa lamang ang ginawa nilang pagte–text sa kanila upang hindi magkasabay–sabay sa pagkuha nito.

Nais pa sana nilang gumawa ng marami subalit nagkulang na rin ang mga sangkap sa mga pamilihan. Ito raw ang pagkakataon upang ipakita ang pagpapahalaga sa mga kapitbahay, lalo na sa pagtalima sa social distancing at “stay at home” upang hindi mahawa o makahawa ng COVID–19.

Good vibes naman ang hatid nito sa mga netizens.

“Nice Mr. and Mrs. Tagpuno… sharing is caring… God bless,” sabi ng isa.

“Kayo po ang good example and your family sa street n’yo po. I noticed naman noong nagstay ako diyan sa lugar na ‘yan. Talaga namanng mabait kayo sa mga tao diyan at ginagalang kayo sa community ninyo po. God bless you po,” turan naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook account ni Alain Atienza Tagpuno

Ito ay isang patunay na ang mabuting kapitbahay ay inspirasyon at biyaya sa buhay!

Loading…