Mag-ina, naglalakad mula Pulilan hanggang Plaridel upang magpakain ng mga aso at pusa

Imahe mula sa Facebook | Jhec Victoria
  • Isang mag-ina sa Bulacan ang naglalakad mula Pulilan hanggang Plaridel upang mabigyan ng pagkain ang mga stray cats at dogs
  • Nag-iwan na rin sila ng improvised food at water dispenser sa ilang mga lugar kalakip ang note na huwag itong galawin ng mga tao
  • Nagpasalamat din sila sa mga taong sumuporta sa kanilang misyon

Dahil batid nila na hindi lamang mga tao kundi maging pati mga hayop ay apektado ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa ilang bahagi ng bansa ay naglibot ang isang mag-ina sa Bulacan upang mapakain ang mga stray cats at dogs.

Imahe mula sa Facebook | Jhec Victoria

Kuwento ni Jhec Victoria sa Born to Be Wild, nilalakad nila mula Pulilan hanggang Plaridel nang sa gayon ay mabigyan ng pagkain at inumin ang mas maraming mga aso at pusa sa daan.

Paliwanag ni Jhec, may permit naman sila sa ginagawa at sumailalim na rin sila sa briefing tungkol sa COVID-19 protocol.

Sa kaniyang Facebook ay idinodokumento ni Jhec ang ginagawang pamamahagi. Nag-iiwan din sila ng food at water dispenser ng mga hayop mula sa ni-recycle na galon ng tubig. Kalakip ng mga ito ang note na huwag itong galawin ng mga tao.

“Sila ay nalulungkot, naiinitan, natatakot, at nagugutom gaya mong tao. ‘Wag mo sanang kuhanin at pag-interesan ang nirecycle na lalagyan pati mga pagkain at inumin nitong laman,” nakasulat sa isang note.

“Gutom, uhaw, kanila ring nararamdaman kaya paunawa! Ang pagkain at inuming ito ay para sa aso. Tao ka kaya hindi ito para sa iyo,” saad naman sa isa pa.

Imahe mula sa Facebook | Jhec Victoria

Kuwento ni Jhec, hindi nila maiwasang masaktan kapag nakararanas ng panghuhusga dahil sa patuloy na paglabas ng bahay upang magpakain ng mga hayop.

“Sabi nila bakit daw labas nang labas, hayop ‘lang’ naman pala pinupuntahan. Unfair talaga ang mundo para sa mga katulad ninyo. Sino ba naman ang ayaw manahimik sa bahay? Ang sarap mamahinga, manood ng TV, kain, at tulog pero kung yun ang iisipin, paano naman sila? [Lalo na] kung walang ibang taong magkukusa,” sabi ni Jhec.

Nagpasalamat din siya sa mga sumusuporta sa kanilang ginagawa nang sa gayon ay hindi sila maubusan ng supply.

“Salamat po sa lahat ng mga mabubuting pus0. Pinrovide man namin ang una at pangalawang linggo, bago tuluyang maubusan ay tinulungan ninyo po kaming makapagpatuloy sa pagpapakain ng mga aso at pusa,” aniya.

Loading…