Magkakaibigang Muslim, namahagi ng relief goods sa Tuguegarao City

  • Namahagi ng relief packs ang magkakaibigang Muslim sa Tuguegarao City
  • Tatlong kilong bigas at tatlong noodles ang laman ng kanilang mga ipinamahagi
  • Nagpasalamat naman ang mga netizens sa kanilang kabutihan

Sa panahon ng kagipitan at matinding pangangailangan, naisasantabi ang anumang pagkakaiba–iba sa estado, trabaho, kulay, edad, at maging relihiyon. Dito makikita at mapatutunayang pantay–pantay lamang ang lahat. Magkakapatid tayo na kinakailangang magdamayan.

Isang patunay rito ang pamamahagi ng relief packs ng magkakaibigang Muslim sa 125 na pamilya sa Tuguegarao City, Cagayan noong Marso 25, ayon sa “Bayan Mo I–patrol Mo” ng ABS–CBN. Ang mga larawan ay ibinahagi ni Fahad Magumpara, isang Muslim.

Imahe mula sa Bayan Mo Ipatrol Mo ng ABS CBN

Ayon sa kuwento ni Fahad, napagpasyahan nilang mag–ambagan ng kaniyang dalawa pang kaibigang Muslim upang mamahagi ng tulong sa mga naapektuhan ng enhanced community quarantine sa buong Luzon. Ang kanilang mga relief packs ay naglalaman ng tatlong kilong bigas at tatlong noodles.

Ginawa umano nila ito upang magsilbing inspirasyon sa iba pang mga may kakayahan na magbahagi ng tulong lalo na sa mga nangangailangan. Iniisip pa nilang mamahagi pa ng mga pagkain sa iba pang pamilya sa kanilang lugar sa mga darating pang linggo.

Umani naman ito ng komento mula sa mga netizens.

Sabi ng isa, “May Allah bless you po! Dito mo mapapatunayan na pantay–pantay lamang tayo. Hindi hadlang ang anumang relihiyon upang ipakita ang pagmamahal sa kapwa. Pamarisan nawa kayo ng iba, lalo na yung ibang na napaka–entitled sa kanilang kinabibilangang sekta.”

“Mapapa–sana all ka na lang… dito sa barangay namin, dalawang kilo na NFA rice lang ang ibinibigay, wala na talagang kasama. Hindi naman sa mapaghanap, pero deserve naman siguro ng taumbayan na makuha ang pinaghirapan nilang bayarang buwis,” turan naman ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Saludo po ako sa inyo mga kapatid, tunay na kapamilya po talaga kayo…”

Imahe mula sa Bayan Mo Ipatrol Mo ng ABS CBN

Nawa ay pamarisan kayo ng lahat!

Loading…