Magkapatid namigay ng pagkain sa mga frontliners at street dwellers

  • Namimigay ng pagkain sa mga frontliners at street dwellers ang dalawang magkapatid na lalaki
  • Paraan nila ito upang maipakita at maipadama ang pasasalamat sa mga frontliners, at malasakit naman sa mga street dwellers
  • Ang isa sa kanila ay nauna nang pinag–usapan dahil sa pamamahagi naman ng mga bigas at panahog sa ulam na pinakbet para sa mga tricycle drivers sa kanilang lugar

Kung likas sa isang tao ang kabutihan at pagmamalasakit sa kapwa, hindi siya mapapagod na magpaabot ng tulong sa mga taong nangangailangan nito, kasehodang mawalan o maubusan pa siya ng pansariling pera. Gagawa at gagawa siya ng paraan upang patuloy itong maisakatuparan.

Kaya naman, dalawang lalaking magkapatid ang walang sawang tumutulong sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng pamamahagi ng pagkain para sa mga frontliners gayundin sa mga street dwellers. Ibinahagi ito sa Facebook post ng isa sa kanila na nagngangalang “John Kevin Juego” na isang legal officer.

Imahe mula sa Facebook account ni John Kevin Juego

“Salamat po sa mga frontliners na patuloy na nagseserbisyo sa gitna ng pinagdadaanan ng bansa. Sa mga street dwellers po na patuloy lumalaban, kapit lang po at huwag mawalan ng pag-asa. Maraming salamat rin po sa mga sponsors na tumulong para maipagpatuloy ang pagbibigay ayuda sa kapwa nating mas nangangailangan. Saludo,” ayon sa caption nito.

Kalakip ng kaniyang post ang mga larawan ng kanilang paghahanda ng pagkain: tinapay at pansit na isinilid sa styrofoam. Makikita rin ang video at mga larawan ng kanilang pamamahagi. Nakasakay sila sa puting van kaya biro niya, “Hindi lahat ng puting van nangunguha, yung iba nagbibigay.”

Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens.

“Wow! Keep it up guys..Be blessed! Ingat lagi!” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Keep safe Kenneth and Kevin. Ingat and wear your gloves, God will continue to bless your family!”

Katuwang sa pamamahagi ni John Kevin ang kaniyang negosyanteng kapatid na si “Kenneth Jerome Juego”, na nauna nang naging trending dahil sa pamamahagi naman niya ng mga bigas at panahog sa ulam na pinakbet para sa mga tricycle drivers sa kanilang lugar na nawalan ng kita dahil sa hindi makapamasada kaugnay ng ipinatutupad na enhanced community quarantine.

Imahe mula sa Facebook account ni John Kevin Juego

Kudos sa inyo John Kevin at Kenneth! Ipagpatuloy lamang ang pagpapakita ng malasakit sa kapwa at tiyak na darating din ang napipintong gantimpala!

Loading…