Maliliit na rice farmers sa bansa, makatatanggap ng P5,000 ayuda mula sa Department of Agriculture

  • Nag-umpisa na raw mamigay ng P5,000 ang DA para sa mga mahihirap na rice farmers
  • Nasa halos 600,000 magsasaka ng palay ang mabibigyan ng ayuda ayon kay DA Secretary William Dar
  • Ang iba raw na magsasaka ay makatatanggap naman daw ng tulong mula sa SAP ng DSWD

Tuloy-tuloy ang mga programa ng pamahalaan para sa mga naapektuhan ng ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ). Ngayon naman, nag-uumpisa na raw na mamigay ng ayuda ang Department of Agriculture (DA) sa mga maliliit na magsasaka upang magpatuloy ang kanilang trabaho at mayroong pangtustos habang hindi pa bumabalik sa normal ang lahat.

Sa isang panayam, sinabi ni DA Secretary William Dar na nasa 591,246 na rice farmers ang mabibigyan ng P5,000 cash aid sa ilalim ng proyektong Financial Subsidy to Rice Farmers (FSRF). Ang pinakamahihirap daw na magsasaka ng palay mula sa 34 lalawigan sa bansa ang prayoridad ng nasabing programa.

Larawan mula sa DA

Iniulat din ng opisyal na website ng DA na nag-umpisa na silang mamahagi ng tulong pagpasok pa ng Abril. Kailangan lamang daw maghintay ng mga magsasaka na maabutan ng pinansyal na tulong dahil lubhang malaki ang bilang ng mga rice farmers na mabibigyan ng cash aid.

Gayunman, mga rice farmers lamang ang sakop ng nasabing programa. Ngunit tiniyak ni Dar na pasok naman sa social amelioration program (SAP) ng pamahalaan ang ibang magsasaka na talagang mahirap at mayroong maliit na lupang sinasaka.

“On going na itong na ito… Yung iba po, below the p0verty threshold, po0rest of po0r, kahit ano ka pa basta bukod dito sa 591,246 (rice farmers) ay kasama po sila sa social amelioration program ng gobyerno,” pahayag ni Dar sa GMA News.

Sinabi rin ni Dar na dapat na tiyakin ng mga lokal na opisyal na mapapasama sa listahan ng DSWD para sa SAP ang mga mangingisda, coconut farmers, at iba pang nagtatanim na wala talagang pinagkakakitaan ngayon.

Larawan mula sa PNA

Tiniyak din ni Dar na patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa DSWD upang masigurong hindi makalilimutan ang ibang mga magsasaka at kabahagi ng sektor ng agrikultura na apektado ang trabaho dahil sa ECQ.

Matatandaang noong nakaraang taon ay namahagi rin ng tulong pinansyal ang DA sa mga magsasakang naapektuhan naman ng pagpasa ng Rice Tarrification Law upang matugunan ang kakulangan ng suplay ng bigas sa buong bansa.

Source :

GMA News, DA

Loading…