Manila barangay may “mahiwagang timba”, pa-meryende pa sa mamamayan

  • Nakatatanggap ng meryenda araw-araw ang mga residente ng Brgy. 362, Zone 36 District 3 sa Sta, Cruz, Manila
  • Naglalagay din sila ng timba sa harapan ng kanilang tahanan tuwing Sabado na nilalagyan ng pamahalaan ng laman
  • Dahil dito, nakagawa ng tula ang isang mamamayan

Paniguradong mapapa-sana all ka sa umaapaw na biyaya at ayudang natatanggap ng mga residente ng Brgy. 362, Zone 36 District 3 sa Sta, Cruz, Manila mula sa pamahalaan.

Image by Jennifer Cauilan Santos via Facebook

Ibinahagi ng Inquirer na namamahagi ang barangay na pinamumunuan ni Ann Christine Abella ng meryenda tuwing alas-3 ng hapon araw-araw sa mga residente.

Mayroon din silang tinatawag na “mahiwagang timba” na kung saan maglalagay ang mga pamilya ng timba sa harap ng kanilang tahanan tuwing Sabado katulad ng pag-alaala sa Christmas basket.

Ito naman ay nilalagyan ng pamahalaan ng mga tulong kagaya ng sampung kilong bigas, tinapay, gatas, soft drink, canned tuna, cheese spread, corned beef, biskuwit, sausage, spaghetti sauce, pancit habhab, canton.

Dagdag pa ang egg noodles, face masks, tilapia, boneless bangus, galunggong, manok, at dog food para sa mga alagang aso. Sapat ito para kainin ng pamilya (pati ng aso) sa loob ng buong linggo.

Binigyan din ang mga residente ng mga water jug na nilalagyan ng pamahalaan ng laman (mineral water).

Nagaganap ang operasyon ng barangay nang hindi lumalabag sa ipinapatupad na social distancing.

Sinabi ng kanilang kapitana, pagbabahagi ng Department of Tourism, Culture and Arts of Manila sa Facebook, “Minsan niyo lang ako sasandalan di ko sasayangin ang pagmamahal at tiwala niyo po sakin. Iisang pamilya tayo dito.”

Nagpasalamat din si Abella sa lahat ng umalalay sa kanya para maging posible ang kanilang pagtulong sa mga mamamayan.

Image by Jennifer Cauilan Santos via Facebook

Dahil dito, nakagawa ng tula si Jennifer Santos.

Bahagi ng tula, “Sa aming barangay, araw-araw may bigay. Pork chop, tilapia, barbecue, at salmon, Siomai, shanghai, tocino, at hamon. Kapag kinolekta na ang balde, ang lahat ay napapangiti. Maya-maya’y ibabalik na, puno ng biyaya at pag-asa!”

Sabi pa sa isang bahagi nito, “Totoo ang bali-balita,  Mamuhay sa aming barangay, kay aya-aya, Kahit ilang quarantine pa’y kakayanin, Sa biyaya ng Diyos at pamunuang maalalahanin!”

Image by Jennifer Cauilan Santos via Facebook

Loading…