Manny Pacquiao naluha nang maalala ang naranasang ipagtabuyan siya ng mga taong mayayaman

  • In-interview ni Martin Nievera si Sen. Manny Pacquiao sa pamamagitan ng Zoom
  • Naging emosyonal ang senador sa isang bahagi ng interview
  • Sabi ni Pacquiao, naranasan niyang ipagtabuyan ng mga mayayaman dahil mahirap siya at mabaho

Naging emosyonal si Senator Manny Pacquiao sa isang bahagi ng panayam sa kanya ng singer na si Martin Nievera nang alalahanin niya ang mga naranasang pangungutya mula sa mga mayayamang tao noong panahong hikahos pa ang kanilang buhay.

Screenshot mula sa ANC Conversations video

Ang panayam ni Martin Nievaera kay Senator Manny Pacquiao, na pinamagatang ANC Conversations, ay ginawa sa pamamagitan ng  Zoom, isang cloud-based video conferencing tool.

Maraming napag-usapan ang dalawa batay sa mga katanungan ni Martin sa senador katulad ng kung ano ang pinagkakaabalahan ng pamilya habang na ilalim sila ng 14 days mandatory quarantine.

Si Senator Pacquiao at ang pamilya ay isinailalim sa sapilitang quarantine sa bahay nila sa Dasmariñas Village sa Makati City matapos niyang makahalubilo si Senator Koko Pimentel na nagpositibo sa COVID-19.

Naitanong din ng singer kay Manny kung may pangarap ito na maging Presidente ng bansa balang araw. Sinagot naman ito ni Pacquiao na wala iyon sa kanyang isipan lalo na ngayong may pandemic.

Aniya, maging ang pagiging senador ay hindi niya pinangarap. Kung saan daw siya ilagay ng Panginoon ay gagampanan niya.

Screenshot mula sa ANC Conversations video

Naging  madamdamin ang sagot ni Paquiao nang tanungin siya ni Martin kung ano ang unang gagawin pagkatapos ng krisis ngayon.

“Now, when this is all over, ‘yung tapos na itong crisis, ano’ng unang gagawin mo?” tanong ni Martin.

Sagot ni Pacquiao, una niyang gagawin ang pagtulong sa mga mahihirap na tiyak na nakaranas ng kagutuman dahil sa krisis. At napaluha nga ito dahil may mga tao raw na hahayaan na lang mapahamak ang mga tao kaysa mabawasan ang kanilang pera.

“Alam mo masakit ‘yung loob ko kasi may mga tao talaga na mas gusto nilang mamatay ang tao kaysa ‘yung magastos nila ‘yung pera nila,” aniya.

Screenshot mula sa ANC Conversations video

“Alam n’yo naranasan ko kasi rin na ipagtabuyan ako ng mga mayaman…pag may kailangan ka ipagtabuyan ka, pandirihan ka kasi mabaho ka…naranasan ko rin ‘yan,” dagdag pa ng senador na nakita sa video na nagpahid ng luha.

Sinabi pa niya na ang pangarap niya para sa mga mahihirap na Pilipino ay ang magkaroon ng sariling bahay at sustainable livelihood. Aniya, kung ano ang ginhawang naranasan niya ay gusto rin niyang maranasan ng iba.

Ang madamdaming bahagi ay mapapanood sa 19:25 mark ng video.

 

Source :

YouTube

Loading…