Mapagmalasakit na negosyante, nanawagan ng tulong para sa mga seafarers

  • Tulong sa mga seafarers na hindi nakasampa sa barko ang kahilingan ng isang mapagkawanggawang negosyante
  • Naapektuhan kasi ang marami sa kanila dahil sa ECQ
  • Nakauugnay umano ang negosyante sa kanila dahil nagtapos siya ng BS Marine Transportation

Nanawagan ng tulong sa publiko ang isang mapagmalasakit na negosyante para sa mga seafarers na OFW o Overseas Filipino Workers na nawalan ng pagkakataong makasampa sa barko at makapagtrabaho dahil sa krisis na kinahaharap ng bansa at ng buong mundo dulot ng COVID-19.

Ayon sa Facebook post ni “Kenneth Jerome Juego”, nabagbag ang kaniyang kalooban sa sitwasyon ng mga seafarers na naka–schedule sanang umalis nitong Marso at Abril ngunit naabutan ng lockdown. Agad siyang nagpaabot ng tulong sa non-profit organization na itinatag ng kaniyang kaibigan para sa mga seafarers.

Imahe mula sa Facebook account ni Kenneth Jerome Juego

“Sila po yung mga seafarer/OFW na naka-schedule nang umalis noong March at ngayong April, kaso nga lang sa sitwasyon natin sa COVID-19, cancelled po lahat ng pag-alis nila ng bansa upang makapagtrabaho sa barko. Kaya nang tinawagan ako ni Dr. Japitana tungkol dito, hindi na ako nagdalawang-isip pang tumulong,” ayon sa post.

Ipinaliwanag ng negosyante na nagtapos siya ng kursong BS Marine Transporation kaya alam niya ang hirap na pinagdaanan ng mga seafarers bago sila umalis ng bansa; kaliwa’t kanang pagsasanay at perang panggastos na kinakailangan pang ipangutang para lamang makaalis at makasampa sa barko.

“Titiisin lahat (seafarers) para lang po mabigyan ng magandang future ang pamilya, kahit kapalit nito ay malayo sila sa mahal nila sa buhay at masakripisyo ang kaligtasan. Hindi talaga ako pala-post ng ganito kahaba pero gagawin ko na po dahil tulad nila minsan din akong nangarap na maging seaman at pinangarap maging kapitan ng barko,” dagdag pa nito.

Panawagan niya sa mga kakilala at maging sa publiko, “Sa mga ka-batch ko sa AIMS/Malayan Colleges na nakakaluwag-luwag, sana matulungan natin ang mga kapwa natin seafarers na nangangarap magkaroon ng magandang kinabukasan. Ang maliit na bagay o halaga sa ating mga nakapagpundar na, malaking bagay po ito kapag ibinahagi natin sa mga nag-uumpisa pa lamang.”

Imahe mula sa Facebook account ni Kenneth Jerome Juego

Dagdag pa niya, “Ipinagdarasal ko rin po ang kaligtasan ng bawat Filipino seafarers lalo na ang mga pinsan ko sa Pampanga na puro seaman. Ingat kayo lagi. Malalampasan din natin itong pagsubok na pinagdaraanan ng ating bansa at gagaan din ang ating pakiramdam lalo na kung tayo ay magtutulong-tulong at magkakaisa. Maraming salamat po! God bless to all seafarers!

Ibinigay niya sa kaniyang post kung sino ang maaaring kontakin ng mga taong magnanais na magpahatid ng tulong para sa mga seafarers, na pinangunahan na niya sa pamamagitan ng pamamahagi ng ayudang relief goods para sa kanila.

Si Kenneth Jerome Juego ay kilalang mapagmalasakit sa kapwa. Trending ang kaniyang pagtulong sa mga tricycle drivers, frontliners, at street dwellers na lubusang naapektuhan ng ipinatutupad na enhanced community quarantine.

“Ang pagtulong naman hindi humihingi ng presyo eh. Basta bukal sa loob mo okay na iyon. Sabi ko nga, maliit na bagay sa atin, kapag pinagsama–sama, malaki na sa kanila,” aniya.

Nawa ay mapakinggan ng mga tao ang panawagan ng negosyante para sa ating mga seafarers!

Loading…