Mas malinis na kalikasan: Dahil walang polusyon, windmills sa Pililla, Rizal, tanaw na sa Pasay City

  • Trending ngayon sa social media ang larawang kuha ng isang netizen na magpapatunay na malinis ang hangin ngayon sa Kamaynilaan
  • Tanaw na kasi mula sa Pasay City ang windmills sa Rizal kahit higit 50 kilometro ang layo nito
  • Gamit daw kasi ng uploader ang isang camera na may magandang lens kaya tanaw na tanaw ito mula sa rooftop ng isang gusali sa Pasay

Kamakailan ay nag-viral ang kuha ng batikang journalist na si Raffy Tima kung saan makikita ang Dambana ng Kagitingan sa Bataan mula sa gusali ng GMA Network sa Quezon City. Ayon sa mga nakakita, dahil daw wala nang polusy0n ngayon sa Kamaynilaan gawa ng ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ), ay mas malinaw na ang langit at nakikita na ang ganda ng kalikasan.

Ilang araw matapos mag-viral ang kuha na ito ni Raffy, isa pang larawan ang magpapatunay na tila ay mas maayos na nga ang lagay ng hangin at kapaligiran sa Kamaynilaan ngayon. Sa kuhang larawan ng netizen na si Samuel Andre C. Mcdonald, ang mga windmills naman sa lalawigan ng Rizal ang makikita mula sa Pasay City.

Larawan mula sa Facebook post ni Samuel Andre C. Mcdonald

Ayon sa post ni Samuel, malinaw daw ang kalangitan noong araw na iyon at naisipan niyang kumuha ng larawan. Hindi niya inaasahang kita mula sa kinaroroonan niyang gusali sa Pasay ang tanyag na windmills sa Pililla, Rizal.

Ibinida ni Samuel sa kanyang post na dahil wala raw sm0g o anumang uri ng polusy0n noon, kuhang-kuha ng kanyang camera sa pamamagitan ng zoom in features nito ang windmill farms. Dagdag pa ni Samuel, nasa higit 50 kilometro daw ang layo nito mula sa Pasay City.

“The air/atmosphere is so clean today. No smog, no air polluti0n. From the rooftop of our place in Pasay city, I can see a part of the Pililla Windmill Farms in Rizal province. Roughly 50+ kilometers away,” pahayag ni Samuel sa kanyang post.

Dahil marami ang namangha sa kuhang ito ni Samuel, agad na nag-viral sa Facebook ang kanyang post. Habang isinusulat ang istoryang ito, mayroon nang higit 1,700 reactions, 380 comments, at 1,400 shares ang larawan.

Larawan mula sa Facebook post ni Samuel Andre C. Mcdonald

Gayunman, hindi maiiwasang may ilang netizens na magtaka sa kuhang ito ni Samuel. Dahil sobrang layo raw ng Rizal at Pasay, may ilang nagsabing edited lang daw ito. Ngunit bilang pagpapatunay na hindi ito edited, nag-upload si Samuel ng aktuwal na video kung saan kita talaga ang windmills lalo na kapag naka-zoom ang camera.

Iginiit ni Samuel sa kanyang post, para sa mga nagdududa, na hindi basta smartphone camera ang kanyang gamit kung hindi isang DSLR na mayroong magandang lens kaya kahit malayo ay nakukuhanan niya ang windmills.

Loading…