Mass registration para sa National ID inurong sa Oktubre dahil sa COVID-19 crisis

  • Mass registration para sa national ID system, naurong sa Oktubre
  • Sa Hulyo ngayong taon sana nakatakda ang mass registration subalit naantala dahil sa COVID-19 crisis
  • Magkakaroon ng online pre-registration upang maipatupad pa rin ang social distancing
  • Maglulunsad din ng mobile registration para sa mga mamamayang walang access sa internet

Ang mass registration para sa national ID system na nakatakda sana sa buwan ng Hulyo ngayong taon ay inurong sa Oktubre dahil sa pananalasa ng coronavirus disease sa bansa, ayon sa isang opisyal ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Imahe mula sa Philippine National ID

“Ang original plan ho natin is July this year, ‘yun ho talaga ang approved timeline, pero because of COVID we have to move ‘yung timeline natin so, ang target po natin ngayon ay October of this year we will already start ‘yung mass registration,” sabi ni PSA Deputy National Statistician Assistant Secretary Lourdines Dela Cruz.

Tiniyak si Asec. Dela Cruz na bibigyan ng prayoridad sa national ID mass registration ang mga “poorest of the poor.”

Sinabi pa niya na maglulunsad ang PSA ng online pre-registration na kahalintulad ng ginagawa sa passport application sa Department of Foreign Affairs upang patuloy na maitaguyod ang social distancing sa gitna ng ipinatutupad na community quarantine.

“Parang sa passport, na lahat ng information, ‘yung demographic information mo ay ilalagay mo na doon sa online. Tapos ang gagawin mo na lang pupunta ka sa center para kukunin na lang ‘yung biometric information mo. So, mabilis ang pag-stay ng isang tao doon sa registration center,” paliwanag ni Asec. Dela Cruz.

Imahe mula sa PSA

Para sa mga mamamayang walang access sa internet, ang PSA mismo ang magtutungo sa mga komunidad para kumuha ng mga datos.

“’Yung PSA na ho mismo ang pupunta sa bawat barangay para ho sila na ang kumuha ng datos ng mga Pilipino,” aniya.

Loading…