“Massive forced quarantine” posibleng ipatupad dahil hindi epektibo sa ilang lugar ang home quarantine

  • Pinag-iisipan ng pamahalaan na magpatupad ng “massive forced quarantine”
  • Sa ilalim nito ay kailangang malaman at makuha ang mga potential carrier ng virus
  • Importante umano na makapagsagawa ang gobyerno ng mahigit 4,000 COVID-19 tests kada araw

Masusing pinag-aaralan ngayon ng gobyerno ang posibilidad na magpatupad ng massive forced quarantine upang tuluyan nang makontrol ang patuloy na paglaganap ng coronavirus disease sa bansa sa kabila ng mahigpit na implementasyon ng enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon.

Screenshot mula sa video ng GMA

Ipinahayag ni Retired General Carlito Galvez, ang chief implementor ng national action plan kontra COVID-19, na kritikal o nakapaimportante ang susunod na dalawang linggo.

Isang technical working group ang bubuuin upang pag-aralan kung kailangan pang pahabain, palawigin o alisin na ang ECQ na nakatakdang matapos sa ikalawang linggo ng Abril.

Aniya, hindi epektibo ang home quarantine na ipinatutupad sa mga persons under monitoring at persons under investigation sa COVID-19 upang mapigil ang pagkalat ng coronavirus, lalo na sa mga mahihirap na komunidad kung saan maliliit at dikit-dikit ang mga bahay kaya walang sapat na espasyo para sa ipinatutupad na social o physical distancing.

“Ang medyo critical dito, ‘yung tinatawag na self-quarantine o home quarantine may not be observed by poor people kasi nakikita natin ‘yung physical distancing cannot be implemented. I have heard na sa Quezon City ang dami dahil dense ang population. Maliliit ‘yung kwarto… Hindi po ma-achieve,” sabi ni Galvez.

Screenshot mula sa video ng GMA

“Para magkaroon tayo ng massive forced quarantine, kailangang makuha agad namin ‘yung potential carriers. Contain, isolate and eliminate the threat,” sabi pa niya.

Aniya, ikino-convert na bilang quarantine site ang malalaking venue kabilang ang Rizal Coliseum, Philippine Arena, Philippine International Convention Center, Cultural Center of the Philippines, World Trade Center at ULTRA. Matatapos umano ang conversion sa loob ng sampung araw.

Sinabi pa ni Galvez na isang problema kung paano malalaman ang tunay na bilang mga Pilipinong infected ng virus dahil hanggang 1,000 tests lang ang kayang iproseso ng Research Institute for Tropical Medicine.

Screenshot mula sa video ng GMA

“Kaya nga ang DOH is hurrying up for the accreditation of hospitals para mag-double-up, mag-accelerate kasi ang rate lang natin ngayon is more or less 1,000. We need at least 3,000 or higher than 4,000,” aniya.

Nanawagan si Galvez sa publiko na ugaliin ang pagsusuot ng face masks at physical distancing kung kailangang lumabas ng bahay.

 

Source :

GMA Network, DWIZ

Loading…