May kapansanang pedicab driver ibinalik ang sobrang ayuda sa DSWD

  • Drayber na may kapansanan, lumipat ng address para maalagaan ang nanay na isa ring PWD
  • Dahil dito, nailista ang kanyang pangalan sa dalawang barangay na makatatanggap ng SAP
  • Pinili ni Cesar Brillantes ang katapatan kaya’t ibinalik ang sobrang ayuda

Kahanga-hanga ang mga kuwento ng katapatan ng ating mga kababayan partikular sa mga bagay na may kinalaman sa pagtanggap sa Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Image by Gov. Al Francis C. Bichara via Facebook

Kamakailan lamang, ibinalik ng isang pedicab driver sa Tabaco City, Albay ang sobrang P5,000.00 ayuda na ibinigay sa kanya bilang tulong ng pamahalaan sa mga apektado ng ipinatutupad na enhanced community quarantine.

Ayon sa ABS-CBN News, mayroong kapansanan sa pandinig at pananalita ang 42-taong gulang na si Cesar Brillantes. Kilala rin ito sa tawag na Butchoy.

Mayroon din siyang binubuhay na limang anak. Nasabi rin na walang pagkukunan ng pera si Butchoy dahil sa tigil ang pasada at walang hanapbuhay ang kanyang misis.

Pagbabahagi ni Albay Gov. Al Francis C. Biscahara sa Facebook, ang permanent address ng deaf mute na padyak driver ay sa Brgy. San Carlos.

Subalit nagdesisyon ito na bumalik sa kanilang bahay sa Brgy. Basud para maalagaan ang kanyang nanay na isa ring PWD. Dala-dala niya ang kanyang mga anak at misis.

Nailista man ang pangalan na makatatanggap ng ayuda sa dalawang lokasyon, ginawa pa rin ni Butchoy ang tama.

Sabi ng gobernador, “Honest Butchoy is a deaf mute but his good deed should be heard and shared.”

Umantig sa maraming netizen ang kahanga-hangang kabutihang ipinamalas ni Butchoy.

Ang update ni Gov. Bischara ay nakakuha na ng higit 3,400 reaksyon at nasa 340 pagbabahagi habang ipino-post ito.

Komento ng isa, “Seldom can we find honest people like you Butchoy! Kailangan mo ang pera but you did not hesitate to return what was already given to you. GOD bless you for your honesty!”

Dagdag pang komento, “Wow nakakaproud nman na kahit hirap talaga sa buhay, napakabuti at tapat. Good job. Saludo po ako sa inyo.”

Imahe mula sa Bombo Radyo

Loading…