May pera na, may grocery pa! Netizen ipinagmalaki ang ayuda ng kanilang kompanya

  • Inulan ng papuri ang Ezential Corporation dahil sa patuloy nilang pagmamalasakit sa kanilang mga empleyado
  • Bukod sa patuloy na pagpapasuweldo, nagbigay pa sila ng dagdag na ayudang pinansyal at food packs
  • Napa–”Sana All” na lamang ang mga netizens

Simula nang maipatupad ang enhanced community quarantine sa buong Luzon at iba pang mga lalawigan sa Visayas at Mindanao, lubusang naapektuhan ang mga manggagawang nawalan ng pagkakakitaan dahil ipinagbawal ang pagpasok sa mga trabaho. Karamihan sa kanila ay “No Work, No Pay.” Ang iba sa kanila ay umaasa na lamang sa sariling impok, o kaya naman, sa mga ayuda ng pamahalaan at iba pang indibidwal, na nasa anyo ng relief goods at cash assistance.

Sa kabutihang–palad, may mga kompanya namang inisip pa rin ang kapakanan ng kanilang mga empleyado na tiyak na mawawalan ng kita dahil sa implementasyon ng ECQ. Ang ilan sa kanila ay nagbigay pa rin ng inaasahang suweldo para sa kinsenas at katapusan. Ang ilan naman, tulong pinansyal at relief packs. Isa na riyan ang kompanyang “Ezential Corporation” na may likha ng “Redjuice”.

Public Domain Image

Kamakailan lamang, umani ng papuri ang kompanya sa pagpapalabas ng isang memorandum na nagpapaliwanag sa pansamantalang paghinto ng kanilang operasyon bilang pagtalima sa ECQ. Ngunit ang maganda rito, idinetalye nila ang mga benepisyong matatanggap ng kanilang mga empleyado upang mawala ang kanilang mga agam–agam na manatili sa kanilang mga bahay.

Lahat ng kanilang empleyado ay makatatanggap ng advance salary na katumbas ng kanilang dalawang cut offs.  Bukod dito, makatatanggap din silang lahat ng karagdagang 8,000 pisong COVID-19 cash assistance, at maaari pang mag–cash advance hanggang 10,000 libong piso. Hindi pa natatapos diyan: makatatanggap din sila ng grocery items at isang sakong bigas.

Kapalit ng naturang mga benepisyo, inaasahan lamang ng pamunuan ng kompanya na tatalima sa mga direktiba ng ECQ ang kanilang mga empleyado at hindi magpapasaway. Upang matiyak umano ito, magsasagawa ang pamunuan ng surpresang pagbisita sa bahay ng mga empleyado, na kung tutuusin ay maliit na pakiusap lamang.

Umani naman ito ng iba’t ibang papuri mula sa mga netizens. Napa–”sana all” na lamang sila.

“Sana lahat ng company kagaya ninyo… kasi kami wala na ngang ayuda from DOLE. wala rin from company,” bulalas ng isa.

Pahayag naman ng isa, “God is good as always… I’m sure this company is composed of God–fearing people.”

Public Domain Image

Saludo po kami sa pamunuan ng Ezential Corporation para sa pagmamalasakit sa kanilang mga empleyado!

Loading…