Mayor ng Osaka, Japan, nais na lalaki ang mag-grocery sa panahon ng pandemic dahil matagal daw mamili ang mga babae

  • Kontrobersyal ang pahayag ng Mayor ng Osaka, Japan tungkol sa pamimili
  • Mas gusto niya umano na ang lalaki ang pumunta sa grocery at pamilihan kaysa mga babae
  • Mas matagal daw kasing mamili ang mga babae habang ang mga lalaki ay susunod lamang sa utos

Nasa ilalim na rin ng state of emergency ang bansang Japan dahil sa pagtaas ng kaso ng C0VID-19 sa kanilang bansa. Dahil dito, nililimitahan na rin ang paglabas ng mga Japanese; maging ang pamimili sa grocery stores. Kung maaari ay isang tao lamang ang lalabas sa bawat bahay upang mamili ang pakiusap ng kanilang pamahalaan.

Ngunit kontrobersyal ngayon ang naging pahayag ng Mayor ng Osaka na si Ichiro Matsui patungkol sa pamimili.

Ayon sa alkalde, mas nais niyang mamili ang mga lalaki sa mga grocery dahil mas mabilis ito kumpara sa mga babae na sobrang mapili kaya raw nagtatagal sa mga pamilihan.

Larawan mula sa Pexels

Sa isang pahayag sa press, inihayag ni Matsui na kapag daw kasi babae ang nasa loob ng pamilihan, matagal itong maghanap at magsuri ng mga bagay na bibilhin at karaniwang hindi makapagdesisyon agad. Kapag daw lalaki, bibilhin lang nito ang iniutos sa kanya.

“(Women) take a long time as they browse around and hesitate about this and that… Men can snap up things they are told (to buy) and go, so I think it’s good that they go shopping, avoiding human contact,” pahayag ng Osaka Mayor.

Aminado naman si Matsui na maaaring maging kontrobersyal ang kanyang pahayag, ngunit iginiit niya na ito ang katotohanan sa maraming pamilya. Hindi nga siya nagkamali at naging sanhi nga ito ng diskusyon ng mga netizens sa iba’t ibang panig ng mundo.

May mga netizens na nagsabing isang uri ng diskriminasyon ang pahayag na ito. Patunay daw ang pahayag na ito na umiiral pa rin sa nasabing bansa ang gender inequality dahil mas pinahahalagahan pa rin ng kanilang pamahalaan ang mga lalaki.

Larawan mula sa Pexels

Ayon sa World Economic Forum (WEF) global gender gap index, nasa pang-110 ang Japan sa 149 na bansa. Sinusukat nito ang pagkakapantay-pantay ng mga lalaki at babae sa isang bansa.

Kasalukuyang nasa state of emergency ang Osaka simula noong Abril 7 dahil sa pagtaas ng kaso ng C0VID-19 doon kaya naman bilang paghihigpit, limitado na ang mga taong nakapapasok sa mga tindahan, kabilang ang grocery stores.

Source :

CNN, GMA News

Loading…