Mayor Rex Gatchalian, ipinaluto ang mga manok panabong na nakumpiska

Imahe mula sa Twitter | Rex Gatchalian
  • Ipinaluto ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang mga manok panabong na nakumpiska nila mula sa mga nahuling nagtutupada sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine
  • Nagbabala rin siya sa mga nasasakupan na ganito ang sasapitin ng kanilang mga manok kapag hindi sila nagpaawat sa pagsasabong
  • Balak sana itong ipakain sa relief operations ngunit hindi raw ito pumasa sa mga nutritionist, veterinarian, at agriculturist

Bilang babala sa mga patuloy na nagtutupada sa kabila ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon ay ipinakita ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian kung ano ang sasapitin ng mga makukumpiskang panabong.

Imahe mula sa Twitter | Rex Gatchalian

Sa kaniyang Twitter post ay sinabi ng alkalde na balak sana nilang ipakain sa relief operations ang mga manok. Ibinahagi pa niya sa followers na pinag-iisipan pa kung gagawin nila itong tinola o adobo.

“Team Adobo or Team Tinola? Ano kaya ang plano ni Kuya na cook? So if mahal mo ang pangsabog mo, suggestion lang, itago mo sa bakuran mo at ‘wag tumulad sa mga nagpatupada this morning,” aniya noong Easter Sunday.

Ipinakita niya rin ang aktwal na pagluluto sa mga manok. “Pinalalambot. Ang tagal pala nito,” saad niya sa isa pang tweet.

Imahe mula sa Twitter | Rex Gatchalian

Sa huli ay hindi rin naipakain ang nilutong adobo dahil hindi raw ito inaprubahan ng awtoridad.

“Final chapter of the tupada story. Our nutritionists, agri, and vet people all decided not to certify the adobo so abandon na. It did not pass their standards,” paliwanag niya.

Sa kabila nito ay umaasa siya na madadala ang mga pasaway na nasasakupan dahil hindi raw siya magdadalawang-isip na lutuin ang mga manok panabong.

“So sa mga gusto pang magpatupada riyan, I will make sure na mahuhuli kayo, makulong, at maluto na adobo ang mga alaga ninyo. I suggest ‘wag ninyo na ever subukan,” babala niya.

Source :

Twitter

Loading…