Mensahe ng saranggolang pinalipad ng mga residente mula Alabang, Muntinlupa: “Gutom na kami”

  • Isang saranggola na may makabuluhang mensahe ang pinalipad ng mga residente sa Alabang, Muntinlupa
  • Pinalipad ito ng mga residenteng nagugutom na upang manghingi ng tulong sa mga kinauukulan
  • Agad namang nag-viral sa social media ang post na ito at umaasa ang mga netizens na mapapansin ang kanilang hinaing

Kanya-kanyang isip ng paglilibangan ang marami ngayon dahil sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) bilang pag-iwas sa pagdami ng kaso ng C0VID-19 sa bansa. Marami sa atin ay binabalikan ang ating mga gawain noong kabataan dahil marami tayong oras ngayon.

Isa sa mga pinagkakaabalahan ng mga kabataan, at mga feeling bagets ay ang pagpapalipad ng saranggola. Kaya itong gawin sa tapat ng bahay o sa may mga rooftop lalo na ngayong maaliwalas ang panahon.

Larawan mula sa Facebook post ni Janus Regit Sevilla Nañez

Pero ngayong marami ang hindi naaabot ng tulong ng ilang local government units (LGUs), ginagamit na rin nila ang pagpapalipad ng saranggola upang ipaabot sa marami ang kanilang nararanasang paghihirap ngayong marami ang hindi makapagtrabaho.

Sa in-upload na video ng netizen na si Janus Regit Sevilla Nañez, makikita ang mga residente dawn g Alabang, Muntinlupa na nagpapalipad ng kanilang saranggola na mayroong makabuluhang mensahe. Nagugutuman na raw sila at kailangan ng tulong mula sa pamahalaan.

“Gutom na kami” ang mensaheng nakalagay sa mga saranggolang matayog ang lipad. Marami sa mga residente ngayon ang nangangamba raw dahil napalawig pa ng dalawang linggo ang umiiral na ECQ sa Luzon ngunit hindi naman daw nadaragdagan ang tulong na nakukuha nila.

Kaya naman mas pinili ng mga residenteng ito mula sa Alabang na magpalipad na lang ng saranggola upang maipadala sa mga kinauukulan, maging sa mga may magandang loob, ang kanilang mga pangangailangan.

Larawan mula sa Facebook post ni Janus Regit Sevilla Nañez

Dahil dito, agad na nag-viral sa social media ang post na ito ni Janus. Habang isinusulat ang balitang ito, mayroon nang halos 1,500 reactions na karamihan ay ‘sad,’ at 2,000 shares. Marami ding netizens ang nagpaabot ng kanilang mensahe para sa mga residenteng ito na nakararanas ng suliranin sa mga panahong ito.

May ilang mga social media users na nag-tag na sa official Facebook page ng pamahalaang lungsod ng Muntinlupa upang mabigyan sila ng atensyon. May ilan na rin na interesadong magpaabot ng tulong sa kanila.

Panoorin ang video ng mensahe ng saranggola ng mga taga-Alabang:
https://www.facebook.com/janusigop/videos/2631326796972934/

Loading…