Meralco gagawing installment ng apat na buwan ang electric bills na sakop ng mga panahong nasa ECQ ang Luzon

  • Hahatiin daw ng Meralco sa loob ng apat na buwan ang mga bills na maiipon ngayon naka-ECQ ang Luzon
  • Maaari daw nila itong bayaran sa loob ng apat na buwan nang hindi sila mapuputulan ng serbisyo ng kuryente
  • Tuloy din ang pagbabatay ng Meralco sa average consumption sa loob ng tatlong buwan dahil hindi makapag-reading ngayon

Una nang inanunsiyo ng Manila Electric Company (Meralco) na dahil hindi sila makapagre-reading sa mga buwang umiiral ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon, ay ibabase na lamang nila sa average consumption ng consumer sa loob ng nakaraang tatlong buwan ang magiging bill nila.

Ngayon naman, dahil sa extended ECQ, napagpasiyahan ng Meralco na gawing installment naman ang dalawang buwang bill ng kanilang consumers. Sa ganitong paraan daw ay mas makatutulong sila sa kanilang mga kababayang gipit din ngayon dahil marami ang hindi nakapagtatrabaho.

Larawan mula sa Meralco

Ayon sa naging pahayag ng Meralco spokesperson na si Joe Zaldarriaga, maaaring bayaran ng isang consumer ang kanyang dalawang buwang bill sa loob ng apat na buwan. Makikita raw ng consumer ang bayarin sa loob ng apat na buwan sa kanyang bill upang mas magaang bayaran.

“Yung cumulative amount ng mga bill na dapat ay nag-due within the ECQ period, ia-amortize ‘yan into four equal monthly installment, payable in four billing months matapos mag-end ang ECQ natin,” pahayag ni Zaldarriaga sa DZMM.

Dagdag pa ng Meralco, ang hakbang daw na ito ay alinsunod rin sa utos ng Energy Regulatory Commission (ERC) na gawing utay-utay ang paniningil ng electric bill ngayong may umiiral na ECQ sa buong Luzon kung saan makikita ang pinakamalaking bahagdan ng Meralco customers.

“Ginawa ‘yan ng ERC para hindi naman mahirap sa panig ng consumers dahil sa ECQ,” pahayag ni Zaldarriaga.

Larawan mula sa PNA

Nilinaw din ng Meralco na sa oras na maaari nang mag-reading ang kanilang kompanya, magkakaroon din ng adjustment ang bill batay sa ginawa nilang three-month consumption computation. Maaari nilang singilin kung kulang ang average consumption nila sa loob ng tatlong buwan kompara sa aktuwal na nagamit noong panahon ng ECQ, at maaari din nilang ibawas kung mas mababa ang konsumo ngayong buwan kompara sa naunang tatlong buwan.

“Na-consume na naman ng consumer ‘yon. Magko-correcting naman ‘yan eh once na nabasa na ang metro,” pahayag pa ni Zaldarriaga.

Iginiit din ng Meralco na hindi dapat mangamba ang publiko dahil wala silang gagawing anumang disconnection ng kanilang serbisyo hanggang may umiiral na Luzon lockdown.

Loading…