Meron pa eh! Pag-ihip sa pakete ng Zest-O para masabing marami pang laman, ginawa mo rin ba noon?

  • Patok sa panlasa ng mga bata ang pag-inom ng juice drink kabilang ang Zest-O
  • Pero mas masaya ang mga bata kapag ubos na dahil sa kakaibang gawain nila
  • Hinihipan kasi nila ang pakete upang mapuno ng hangin at magkaroon ulit ng laman

Paborito ng mga batang ibaon sa eskwela ang mga instant juice drink. Mas malasa, mas patok sa mga bata kaya naman kahit na mas healthy ang tubig, ay mas gusto ng mga batang dalhin ito sa eskwela para pampa-energize nila sa mga gawain.

Pero maliban sa masarap na lasa ng mga juice drink, paborito din ito ng mga bata dahil sa kakaibang gawi ng mga ito sa tuwing mauubos na ang kanilang iniinom. ‘Magic’ na magkakaroong muli ng laman ang sinisipsip na inumin dahil sa isang technique—ang hipan ito hanggang ‘mapunong’ muli.

Larawan mula sa Facebook post ni Jim Madrigal

Sa isang Facebook page na We are 90’s, sinariwa ng mga bata noon ang kanilang pampalipas oras na pag-ihip sa pakete ng juice drink na Zest-O para kungwari ay mayroon pa itong laman. Ibinahagi ng moderator ng grupo na si Jim Madrigal ang collage ng larawan ng mga batang umiinom ng Zest-O.

Nakasulat sa caption na, “Aminin mo… hinihipan mo rin ito masabi lang na marami pang laman,” na agad namang pumatok sa mga miyembro ng Facebook group. Relate sila dahil ginawa rin daw nila noon lalo na kung bitin ang pag-inom nila.

Ang iba naman daw, ipagyayabang pa sa kalaro o kapatid na tila hindi nababawasan ang kanilang iniinom kahit kanina pa sila sumisipsip dito. Ang iba naman ay ginagawa daw itong pang-prank sa kanilang kakilala o kaklase.

Iaaabot daw nila ang Zest-O pack na puro hangin na lang ang laman sa kakilala nila, lalo na raw kung buraot ito o mahilig manghingi ng baon. Ang iba naman, hihipan daw ang pakete at tatapakan ito para sa malakas nitong tunog na animo’y paput0k.

Larawan mula sa YouTube

Para naman sa ilan, kahit daw malaki na sila ay ginagawa pa rin nila ito. Hindi raw nila maipaliwanag pero automatic na raw na tuwing mauubos, hindi pwedeng lagyan nila ng hangin ang loob ng pakete ng juice drink.

Sa kasalukuyan ay sikat pa rin ang juice drink na Zest-O. Lumaganap na nga lang ang ibang uri ng inumin tulad ng chocolate drink at instant yogurt drink pero ganito pa rin ang gawain ng mga bata, ang palobohin ang pakete at umaktong marami pang laman.

Aminin mo, ginawa mo rin ito noon, hindi ba?

Loading…