Mga administrador at faculty ng isang state university, binigyan ng ayuda ang mga stranded na mag–aaral

  • Namigay ng ayuda ang mga administrador at faculty members ng College of Communication sa PUP Sta. Mesa para sa mga stranded na mag–aaral 
  • Hindi kasi sila nakauwi sa kani–kanilang mga tahanan dahil naabutan ng ipinatupad na ECQ
  • Umani naman ito ng positibong reaksyon at komento sa mga netizens

Hindi lamang mga nagtatrabaho at nagnenegosyo ang naapektuhan ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon at iba pang mga lalawigan sa Visayas at Mindanao, kundi maging ang mga mag–aaral na nanunuluyan sa mga dormitoryo at boarding house. Karamihan kasi sa kanila ay naabutan ng lockdown at walang magagawa kundi manatili doon.

Isa na rito ang ginagawang pagbibigay ng ayuda ng mga administrador, mga propesor, at mga instructors sa College of Communication ng Polytechnic University of the Philipines sa Sta. Mesa, Maynila matapos ma–stranded ang ilang mga mag–aaral pati na rin ang mga security guards simula noong unang araw ng ECQ, ayon sa Facebook post ni “James Ona”, isang part–time instructor.

Imahe mula sa Facebook account ni James Ona

“At dahil na–extend ang quarantine, extended din ang pagpaparamdam natin sa mga kapamilya natin sa COC na hindi natin sila iiwanan. Practice social distancing, keep safe and always pray, mga bagets!,” mensahe ni Ona sa mga mag–aaral.

Nagpasalamat din siya sa mga taong nagpapaabot ng tulong upang maisakatuparan ang kanilang pagbibigay ng ayuda.

“Maraming salamat po ulit sa lahat ng patuloy na nagbibigay ng tulong para sa ating mga stranded na mga estudyante. Isinama na rin po natin ang mga security guards on–duty sa mga makakatanggap ng tulong.”

Noong Abril 14, 2020 ang ikatlong round ng pamimigay nila ng relief goods. Mabilis naman daw ang kanilang repacking ng mga pinamiling pagkain na ginagawa na nila agad sa sasakyan o sa parking lot ng kanyang condo, at ipinapamahagi din agad sa araw na yon.

Nasa 10 hanggang 15 na mag–aaral na nanunuluyan sa mga boarding house sa Sta. Mesa, Manila ang kanilang pinupuntahan at kung malayo naman ang ruta, pinapa-grab nila ang mga relief goods.

Imahe mula sa Facebook account ni James Ona

Kudos po sa PUP Sta. Mesa para sa inyong mga ayuda!

Loading…