Mga apo gumawa ng bulaklak gamit ang tissue para sa burol ng kanilang lolo

Imahe mula sa Facebook | Sharmaine Pernia
  • Napahanga ang netizens sa malikhaing paraan ng isang pamilya upang maalayan ng bulaklak ang pumanaw na kaanak
  • Dahil sa umiiral na enhanced community quarantine ay sarado ang mga flower shop sa Carcar, Cebu kaya naman iginugol ng isang pamilya ang apat na oras sa paggawa ng mga bulaklak gamit ang tissue
  • Komento ng netizens, gagawa at gagawa talaga ng paraan ang mga Pilipino kapag para sa kanilang mahal sa buhay

Nais sanang alayan ng kaniyang pamilya ang yumaong lolo na si Eufracio Campugan, ngunit dahil sa umiiral na enhanced community quarantine ay sarado ang mga flower shop sa kanilang lugar sa Carcar City, Cebu.

Imahe mula sa Facebook | Sharmaine Pernia

Sa kabila nito ay hindi nagpatinag ang kaniyang mga apo at gumawa na lamang ng mga bulaklak gamit ang tissue paper. Ang diskarte nilang ito ay ibinahagi ni Sharmaine Pernia sa Facebook.

“Since flower shops are closed, instead of real ones, we made these flower papers for you. Pasensiya na, Tay, kung hindi fresh ang bulaklak,” aniya.

Gayun pa man ay naging maganda ang kinalabasan ng apat na oras nilang pinaghirapan. Bumuhos din ang mga mensahe ng pakikiramay para sa kanilang pamilya matapos na ibahagi ng GMA News ang larawan ng mga bulaklak.

Imahe mula sa Facebook | Sharmaine Pernia

“My condolences to the bereaved family. Nabigyan n’yo po si Tatay ng magandang burol. It’s perfect,” sabi ni Zaren T. Dagdag naman ni Mary M., wala talagang imposible kapag para sa mahal sa buhay.

Tinawag naman ng isang netizen na sagisag ng tunay na pagmamahal ang ginawa ng mag-anak.

“’Yan ang sagisag ng tunay na pagmamahal, gagawa at gagawa ka ng paraan para sa mahal mo kahit sa huling sandali ng buhay. May he rest in peace. Amen,” komento ni GSE.

“An effort of love and creativity. Tiyak mas matutuwa si Tatay dahil nakita niya kung paano siya pinaglaanan ng oras at panahon ng kanyang mga mahal sa paggawa ng flowers yari sa papel,” komento naman ni F. Reyes.

Loading…