Mga ari-arian ng gobyerno ibebenta ni Pang. Duterte kapag kinapos ang COVID-19 funds

  • Planong ibenta ni Pangulong Duterte ang mga ari-arian ng gobyerno kung kakapusin ang pondo na ginagamit sa pagtugon sa COVID-19 crisis
  • Binanggit ni Pangulong Duterte ang CCP at PICC sa mga ari-ariang posibleng ipagbili
  • Naniniwala si Sen. Tito Sotto na hindi na aabot sa punto na kailangang ipagbili ang mga ari-arian ng gobyerno upang tugunan ang health crisis

Planong ipagbili ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ari-arian ng gobyerno sakaling kulangin ang pondo para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Imahe mula sa CCP

Sa isang televised briefing nitong Huwebes, ika-9 ng Abril, nabanggit niya ang Cultural Center of the Philippines (CCP) at Philippine International Convention Center (PICC) na pag-aari ng gobyerno na posible niyang ibenta kung kakailanganin.

“’Pag maubos talaga ang pera, ipagbili ko lahat ng propiyedad ng gobyerno. Iyang Cultural Center, PICC, ‘yung lupa diyan. Totoo,” wika ng Pangulo.

“Kapag wala na akong makuha and we are about to sink, and really sink, I will sell all the assets of government tapos itulong ko sa tao,” sabi pa niya.

Ipinaliwanag ni Pangulong Duterte na ang bilyun-bilyong piso na nakalaan sa pagresponde sa COVID-19 crisis ay kinokolekta pa lang. At upang mawala umano ang mga pagdududa ay hahayaan niya ang mga kritiko sa oposisyon na makipag-negotiate sa bentahan ng mga nabanggit na government properties.

Imahe mula sa PICC

“Ako magbigay ako sa inyo ng hope. For the time na nandito ako, ako ang kontrol, ibigay ko lahat o kaya ipagbili ko lahat. Ngayon ibibigay ko sa inyo ‘yan and do not worry about the money. Ibibigay ko sa opposition. Sige kayo ang mag-negotiate para wala kayong duda sa amin,” aniya.

Samantala, naniniwala naman ni Senator Tito Sotto na hindi na aabot sa punto na kailangang ipagbili ng Pangulo ang mga ari-arian ng gobyerno upang tugunan ang health crisis.

Sa tingin ng senador, ang pahayag ni Pangulong Duterte ay paraan lang nito para tiyakin sa mga Pilipino na lahat ay gagawin niya upang malampasan ng bansa ang krisis.

Imahe mula sa PIA

Loading…