Mga artista ikinampanya ang “Mask is a Must”

  • Ikinampanya ng mga Kapamilya Stars ang “Mask is a Must”
  • Paalala at panawagan ito sa publiko hinggil sa kahalagahan ng pagsusuot ng washable mask lalo na kung nasa labas ng kanilang tahanan
  • Hinihikayat ang karamihan na gamitin ang mga washable masks dahil ang mga surgical at N95 masks ay nakalaan para sa mga healthcare workers at frontliners na direktang sumasagupa sa COVID–19

Kung dati ay hindi naman nire–require ang mga tao na magsuot ng face mask, ngayon ay hinihikayat ng mga awtoridad ang publiko na palagiang magsuot nito, lalong–lalo na tuwing nasa labas ng kani–kanilang mga tahanan upang bumili ng mga pangunahing pangangailangan.

Kaya naman, ikinampanya ng mga artista ang “Mask is a Must” kung saan ipinakikita nila ang kahalagahan ng pagsusuot ng face mask upang mapigilan ang paglaganap ng COVID–19. Makikita ito sa Instagram post ng ilang mga artista, na karamihan ay mga “Kapamilya Stars” dahil ang ABS–CBN ang naglunsad ng kampanyang ito.

Imahe mula sa Instagram

Ilan sa mga celebrities na ito ay sina Sunshine Cruz, Ara Mina, John Arcilla, Kim Molina, Mark Abaya, Barbie Imperial, komedyanteng si Nonong Balliwan, Melissa Ricks, at iba pang mga cast ng teleseryeng “FPJ’s Ang Probinsyano”, lalo na ang lead star at co–director nitong si Coco Martin.

“For everyone’s safety, wearing a face mask is a must. Always remember to wear one when going out of your house. Take care, stay at home and stay healthy everyone,” ayon sa Instagram post ni Sunshine Cruz.

Turan naman ni Ara Mina, “Tayo po ay magsuot ng FACE MASK, manatili sa ating tahanan, patuloy ang social distancing at laging maghugas ng kamay.”

“Sa lahat ng ating mga kababayan, mas ligtas po tayo sa loob ng ating tahanan. Isuot ang ating face mask kung lalabas ng ating bahay sa mga itinakdang oras at panahon lamang. Maaari tayong mahawa o makahawa na hindi natin namamalayan,” saad naman ng mahusay na aktor na si John Arcilla na mas nakilala sa pelikulang “Heneral Luna.”

Ayon naman kay Kim Molina,”Isang simpleng paalala para sa ikabubuti ng lahat. Manatili rin po tayo sa ating mga tahanan at panatilihing malinis ang ating kapaligiran. Manalig, magdasal. Kapit, Kapamilya.”

“Stay at home, Kapamilya! Pero kung kinakailangan talagang lumabas, dapat ay may nakahanda kang washable mask,” pahayag naman ni Barbie Imperial na ibinahagi pa ang kaniyang TikTok video habang nakasuot nito.

Paalala naman ng nagbabalik–showbiz na si Melissa Ricks, “Remember, don’t share masks and wash mask before each and every use. Also, please don’t forget the 4 S’s!”

Imahe mula sa Instagram accounts nina Melissa Ricks at Barbie Imperial

Ang “4 S’s” na tinutukoy ni Melissa ay mga paalalang kailangang isagawa ng mga tao upang masugpo ang COVID–19: stay at home, social distancing,  sabunin at hugasan ang mga kamay, at suutin ang washable mask.

Dahil sa kakulangan ng suplay sa face mask, hinihikayat ang karamihan na gamitin ang mga washable masks dahil ang mga surgical at N95 masks ay nakalaan para sa mga healthcare workers at frontliners na direktang sumasagupa sa mapamuksang virus.

Inuulit natin, “Mask is a Must!”

Loading…