Mga guro ng isang pampublikong paaralan sa San Jose del Monte, Bulacan, nagbigay-pugay sa mga frontliners

  • Nagbigay-pugay ang mga guro mula sa Muzon National High School sa mga frontliners
  • Pinasalamatan nila ang mga bagong bayani natin na patuloy ang serbisyo sa kabila ng banta ng C0VID-19
  • Naghatid naman ng inspirasyon ang mga larawan ng mga guro sa mga frontliners

Marami ang humahanga sa mga frontliners— ang mga doktor, health workers, grocery and pharmacy clerks, food delivery men, mga nagbabantay sa checkpoints, at marami pang iba— dahil sa kanilang tuloy-tuloy na serbisyo sa kanilang mga kababayan ngayong nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang buong bansa.

Dahil sa kadakilaang patuloy na ipinamamalas ng mga frontliners, naisipan ng mga guro mula sa isang pampublikong haiskul sa Lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan na magbigay ng pagpupugay sa mga ito sa kanilang simple ngunit makabuluhang paraan.

Larawan mula sa mga guro ng Muzon National High School

Itinampok ng Facebook page na Balitang SJDM ang larawan ng mga guro mula sa Muzon National High School (MNHS) na nag-upload ng kani-kanilang larawan sa kanilang social media accounts bitbit ang mensahe ng pagpapasalamat at paghanga sa mga frontliners na walang patid sa pagseserbisyo, hindi lamang sa mga taga-Muzon at San Jose del Monte, kung hindi sa kabuuan ng ating bansa.

“Thank you our dear frontliners! We will rise again as one nation,” ito ang maikli ngunit nakaaantig na mensahe ng mga guro mula sa MNHS.

Ayon sa mga guro ng MNHS, ang proyektong ito ay sa pangunguna raw ng kanilang punongguro na si Engineer Danilo A. Casas. Sa pamamagitan ng kanilang group chat, dahil naka-ECQ din ang mga guro sa panahong ito, ipinabatid ng pamunuan ng paaralan ang kanilang programa na magbibigay ng mensahe at lakas ng loob sa mga itinuturing na makabagong bayani ng Pilipinas.

Agad namang ginawa ng mga guro ang kanilang fan sign na mayroong mensahe para sa mga frontliners. Isang malaking inspirasyon ang naiparating ng mga guro sa kanilang simpleng proyekto sa mga dati nilang mag-aaral na ngayon ay frontliners na, maging ang mga estudyanteng patuloy na hinuhubog ang mga sarili upang maging kapakipakinabang na bahagi ng komunidad.

Mayroon ding mga mamamayan at manggagawa na hindi man personal na kakilala ng mga guro ay nakakuha rin ng lakas ng loob mula sa kanilang mensahe ng pasasalamat.

Larawan mula sa mga guro ng Muzon National High School

Matapos makagawa ang mga guro ng kani-kanilang larawan sa personal social media accounts, gumawa naman ng collage ang bawat subject department. Marami namang frontliners ang nagpaabot ng pasasalamat sa mga guro dahil sa pagpupugay na kanilang ginawa.

Habang isinusulat ang kuwentong ito, mayroong limang positibong kaso ng C0VID-19 sa Lungsod ng San Jose del Monte at nasa 33 naman ang kumpirmadong mayroong virus sa buong lalawigan.

Loading…